Mga pulis na sumita sa dalagita sa computer shop, dinepensahan ng hepe

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 12:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinagtanggol ng hepe ng Metro Manila police ngayong Miyerkoles ang mga kawaning dumampot sa isang dalagita mula sa computer shop ng kaniyang pamilya sa Las Piñas.

Nag-viral kamakailan ang CCTV video ng pagsita ng mga pulis sa bata dahil sa paglabag nito sa curfew. Nasa loob ng shop noon ang ama ng bata, pero hindi nito napansin ang pagdampot ng mga pulis sa anak.

Kahit pa pag-aari ng pamilya ng bata ang establisyemento, pinagbabawalan ng ordinansa ang mga menor de edad na tumambay sa mga computer shop tuwing curfew, giit ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office.

Tinanggal aniya ng kumander sa puwesto ang mga pulis na sumuway sa dalagita, pero ipinag-utos niyang ibalik ang mga ito dahil sila ay "gumagawa lamang ng trabaho."

Nilinaw na rin aniya ng bata na maayos siyang pinakitunguhan ng mga pulis, habang nagpaumanhin na rin ang ama nito dahil sa kaniyang mga patutsada sa social media laban sa mga awtoridad.

"Talagang 'pag nagkamali ang ating kapulisan, hindi natin pinapatawad, hindi natin tino-tolerate iyun. Pero kung nasa lugar naman po ang ating kapulisan, bigyan naman po natin ng tamang pagtingin sa kanila dahil talagang napakahirap po ng trabaho ng ating kapulisan," ani Eleazar sa panayam ng DZMM.

DZMM, 11 Hulyo 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.