Duterte, Robredo, nagpalitan ng birada

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 11:41 PM | Updated as of Jul 12 2018 12:16 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumuwelta si Vice President Leni Robredo sa pangmamaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kakayahang mamuno.

Nitong Martes, Hulyo 10, sinabi ng pangulo na kailanma'y hindi magiging handa si Robredo na pamunuan ang gobyerno.

"I will not resign because it will make her president. My resignation is addressed to the people para makapili sila ng gusto nila. Siya, I don’t think she can ever be ready to govern the country. Reason? Incompetence. She’s not capable of running a country like the Philippines," ani Duterte.

Sinabi ito ni Duterte makalipas lang ang ilang oras nang ianunsiyo ni Robredo na handa na siyang mamuno sa oposisyon.

"Maraming mga grupo na pareho naman 'yung mga issues... pero dahil di nag-usap-usap, hindi napag-iisa 'yong boses. At 'yon 'yong role na gusto kong i-take: siguraduhin na 'yung mga boses na nagkakaisa ay lalong mapagkaisa, para lalong pakinggan," ani Robredo noong Martes.

Ngayong Miyerkoles, sinabi ni Robredo na ayaw niya na sanang patulan ang sinabi ng pangulo dahil dapat na lang daw tutukan ni Duterte ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

"Ayoko na sana i-dignify, pero siguro sabihin ko na lang na imbes na insultuhin ako o ang Diyos, asikasuhin na lang muna ang mga problema ng ating ekonomiya," ani Robredo.

Sa social media, bumanat din ang legal adviser ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez.

Hirit niya "nagsalita ang magaling," sabay litanya sa mga umano'y kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon.

MULING NAGSALITA TUNGKOL SA DIYOS

Isang araw din lang matapos sabihin ng Malacañang na hindi muna magsasalita ukol sa Simbahan si Duterte, nagbanta ang pangulo nitong Martes sa mga kritiko na huwag gamitin ang pangalan ng Diyos
para batikusin siya.

"Huwag mong isali ang Diyos mo doon sa platform of your criticism on your attack," aniya.

Nakipagpulong din si Duterte nitong Martes kay Jesus is Lord founder Brother Eddie Villanueva sa Malacañang.

Una nang hiningi ni Villanueva na mag-public apology si Duterte sa kaniyang mga salita.

Sabi ni Duterte, humingi na siya ng sorry sa Diyos. 

"I only apologize to God. Nobody else. If I wronged God then He would be happy to listen to my apology. Why? Because my God is all forgiving. Why? because He does not remember past hurts. Why? Because He created me to be good and not bad," ani Duterte.

Ayon sa Palasyo, kontento si Villanueva sa paliwanag ng pangulo at bago matapos ang meeting ay pinagdasal pa ni Villanueva si Duterte.

Sabi naman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines, mainam na nag-sorry ang pangulo at nagkaroon ng realization sa mga nasabi.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.