DOH naka-alerto ngayong dengue 'peak season'

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 08:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga kaso ng dengue lalo't panahon na ng tag-ulan.

Ayon kay DOH Undersecretary Dr. Eric Domingo, tumaas ang mga kaso ng dengue sa Metro Manila. 

“Sa buong Pilipinas, medyo mababa tayo year-on-year, 3 percent death. Kaya lang may regions tayo na tumaas ang dengue katulad ng NCR (National Capital Region),” ayon kay DOH Undersecretary, Dr. Eric Domingo.

Sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Domingo na mula nakaraang taon, tumaas ng 25 porsiyento ang mga kaso ng dengue sa NCR.

"Last year 'pag ganitong time, mga 5,800 pa lang ang kaso. Ngayon, mahigit 7,200 na ang kaso," sabi niya. 

Tumaas din ang kaso ng dengue sa norte, partikular sa Batanes kung saan 23 pasyente mula Itbayat ang kinailangang i-airlift sa Basco para magamot kamakailan. Isa din umano ang namatay sa mga pasyente.

"Ito'y isang isla. 'Pag dumating doon ang lamok at nag-concentrate, wala pong pupuntahan kaya madaling magka-outbreak sa ganitong setting," paliwanag ni Domingo.

Ayon kay Domingo, nakapagtala ng 80 porsiyentong pagtaas sa mga kaso ng dengue ang Region 1 at 66 porsiyento naman ang Region 2. May pagtaas din ng bilang ng kasong naitala sa iba pang rehiyon sa bansa tulad ng Regions 3, 4A, 4B, 5, 6, 10 at Cordillera Administrative Region.

Paliwanag naman ni Domingo, posible ang outbreak lalo na't tuwing tag-ulan ay peak season ng dengue, isang sakit mula sa mga lamok.

"Every year, 'pag ganitong tag-ulan, mayroong nagkaka-outbreak sa mga iba-ibang lugar talaga, pero binabantayan ito," aniya.

Madali naman aniyang i-manage ang dengue at kaya ito sa mga rural health units.

"Kailangan lang pong mag-hydrate. Kaya lang ang problema lang po kasi 'pag nakakita ng complication, kailangan talagang dalhin sa ospital in case kailangang i-swero saka gamutin [sa pamamagitan] ng [blood] transfusion," sabi niya.

Importante pa rin umanong matuto ang publiko kung paano protektahan ang sarili tulad ng paggamit ng mga insect repellant, paghahanap sa pinamumugaran ng mga lamok at paglilinis ng mga ito, pagtanggal ng mga naka-imbak na tubig na puwedeng pamugaran ng lamok, at kung may outbreak na, ang pagsasagawa ng fogging.

Payo din ni Domingo na agad na kumonsulta sa doktor kung makakita na ng mga sintomas ng dengue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.