Residente ng Zambales, inireklamo ang proyektong tulay ng DPWH

Neima Chowdhury, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2016 04:03 PM

Nagreklamo ang isang residente ng Zambales kaugnay ng ginagawang tulay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang lugar.

Sa programang 'Aksyon Ngayon' ng DZMM, inilahad ni Johndel Molina-Broch ang kanyang hinaing hinggil sa proyektong tulay ng DPWH sa Bangantalina, Iba, Zambales na nakaka-apekto sa kanyang bakuran.

Nang simulan umano ang naturang proyekto ay nahahampas na ng agos ng tubig mula sa ilalim ng tulay ang kanyang bakuran.

"Nanghihingi (ako) ng tulong sa inyo kasi may project ang DPWH na tulay dito sa amin. Ang problema po, tinutulak po ang silong ng tulay at ang daloy po ng tubig ay patungo po sa aking bakuran," saad ni Molina-Broch sa e-mail na ipinadala sa DZMM.

Dagdag pa ni Molina, isang taon niya na itong inerereklamo ngunit walang pumansin sa kanya.

"Isang taon na po akong nanghihingi sa kanila ng dayalogo para malaman ko po kung ano 'yung magiging sitwasyon ko. So never po nilang pinansin," ani Molina-Broch.

Kaugnay nito, tinawagan ng "Aksyon Ngayon" si Engr. Edward Ramos, district engineer ng DPWH-Iba, Zambales.

Paliwanag ni Ramos, ang kanilang ginagawa sa lugar ay proteksyon sa embankment kung saan kinakailangang galawin ang bakod ng bahay ni Molina-Broch ngunit hindi umano ito pumayag.

"Ang ginagawa po namin, 'yung mga proteksyon dun sa mga embankment, 'yung upstream tsaka sa downstream. 'Yung sa downstream, nung gagawin namin dun sa lugar niya, ayaw niyang pagalaw 'yung sa bakod niya," paliwanag ni Ramos.

Ngunit, ayon kay Molina-Broch ay hindi naipaliwanag nang mabuti ang nasabing proyekto dahil ang sinabi lamang sa kanya ay sisirain ang dalawang metro ng kanyang bakod para sa 'detour.'

"Kasi po detour lang po ang gusto nilang gamitin doon. They ask me pa na two meters na sirain 'yung bakod ko, e private property po 'yun, ma'am. Gagamitin lang po sa detour. Hindi po nila sinasabi na ganun ang gusto nilang mangyari, ma'am. Kaya nga po ako nag-a-ask ng dayalogo sa kanila," pahayag ni Molina-Broch.

Sa huli, nagkasundo si Molina-Broch at Ramos na pag-usapan ang maaaring maging aksyon kaugnay ng naturang proyekto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.