Hinihinalang Maute, huli sa Iloilo at Pagadian

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 07:51 PM | Updated as of Jun 20 2017 11:06 PM

Pinasok ng Philippine Coast Guard ang MV Saint Therese Child of Jesus sa Iloilo port, kahapon, Hunyo 18. Hindi pinababa ang mga pasahero habang isa-isang ininspeksiyon ang mga cabin ng barko. Nakatanggap kasi sila ng impormasyon na may pasaherong miyembro ng Maute group.

Natunton ng Coast Guard ang tatlo sa loobang bahagi ng barko. Mismong ang commander ng Philippine Coast Guard sa Northern Mindanao ang naghain ng warrant of arrest kina Farida Pangumping Romato, kapatid niyang si Aljajic, at nobyong si Abdulrahman Serd Dimakutah.

Ayon sa OIC ng Coast Guard Iloilo Station, may arrest order si Farida na inilabas ng Department of National Defense. Itinanggi raw ng magkapatid na may kinalaman sila sa mga gawain ng mga teroristang Maute, pero inamin nilang kaanak nila ang mga iyon.

Galing Cagayan De Oro ang tatlo at papuntang Maynila. Didiretso raw dapat sila sa Cavite para puntahan ang ilang kaanak. Inilipat na sa Cagayan De Oro ang tatlo para maimbestigahan.

Noong Biyernes, Hunyo 16, 13 hinihinalang miyembro ng Maute group ang inaresto sa Pagadian City. Ayon sa pulisya, nagpagamot sila sa ospital. Pero naghinala ang ilang staff ng ospital kaya nagsumbong sa pulis. 

Nagpositibo sa paraffin test, o ang pagsusuri para malaman kung nagpaputok ng baril, sina Junaid Dimarugong at kapatid niyang si Halil Saliling Ali. Gumamit din umano ng pekeng I.D. ang dalawa. Ibiniyahe na sila sa Cagayan De Oro para maimbestigahan.

Sugatang sundalo at pulis, handa pa ring bumalik sa serbisyo

Sa kabila ng mga sugat na tinamo mula sa bakbakan sa Marawi, handa pa rin ang isang sundalong bumalik sa lungsod para labanan ang mga terorista. Kuwento niya rin, isang dahilan kung bakit tila alam ng kalaban ang kanilang galaw ay dahil sa mga pinapalipad na drone ng Maute.

Ilang kilometro lang mula sa war zone, bumalik na rin sa duty si PO2 Khomeini Mamalapat sa isang checkpoint sa siyudad. Isa siya sa mga naipit sa Marawi nang halos dalawang linggo noong umatake ang Maute.

Tumanggi naman ang Joint Task Force Marawi na magbigay ng eksaktong bilang ng mga sugatang sundalo.

-- Ulat nina Regi Adosto at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.