Mga tatay na sundalo sa Marawi, sinaluduhan sa Father's Day

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 07:22 PM

Patuloy man ang bakbakan sa Marawi, hindi ito naging hadlang sa simpleng pagdiriwang ng Father's Day ng mga tatay na tagapagtanggol ng bayan.

Binati ni Brigadier General Rolly Bautista ang kaniyang mga sundalong 'anak' sa 1st Infantry Division. Aniya, nasasaktan siya para sa mga nasawi sa bakbakan at nakikidalamhati siya sa mga pamilyang ipinagluluksa ngayon ang kanilang mga namayapang haligi ng tahanan.

"There is no greater hurt that may be inflicted to a father's heart than seeing his children die and perish in the battlefield... My heart goes to our fellow-soldiers who gave their ultimate sacrifice in the pursuit of peace here Marawi City," mensahe ni Bautista.

Tumawag naman ang mga sundalo sa loob ng kampo sa kani-kanilang pamilya. Isa na rito si Sgt. Erlito Pacaña na may mensahe ng pangungulila sa kaniyang pamilya.

"Sa asawa ko nanonood, ingat kayo palagi diyan at alagaan ang mga bata. Mahal na mahal kita," ani Pacaña.

Kaligtasan ni Fr. Suganob, patuloy na ipinagdarasal

Itinaon din sa Araw ng mga Ama ang pagdaos ng misa sa Mindanao State University. Natigil ang mga misa roon mula nang bihagin ng Maute group si Father Chito Suganob.

Kahit wala pang bagong balita tungkol kay Suganob, umaasa ang kaniyang mga 'anak' sa parokya na maililigtas ang pari.

“Palagi siyang kasama sa prayer namin,” ani Arlene Francisco, kasama ni Suganob sa parokya.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.