Di makuha-kuhang 'back pay', idinulog sa DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 04:05 PM | Updated as of Jun 18 2017 07:46 PM

Idinulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang dating kahera ang kaniyang problema sa 'back pay' na hindi umano inaasikaso ng kaniyang dating pinagtrabahuhan.

Nag-resign si alyas ‘Cynthia’ matapos ang dalawang taong pagtatrabaho bilang cashier dahil lagi aniyang delayed ang sahod nila mula sa Summit Multi-Purpose Cooperative.

Walang naging problema si Cynthia sa kaniyang clearance ngunit hindi pa rin aniya naaasikaso ng kaniyang agency ang 'back pay' o ang huling sahod niya.

Paliwanag naman ng agency, may billing statements na nawawala umano ang kooperatibang pinagtrabahuhan kaya hindi pa maibigay ang huling sahod ni Cynthia.

Dahil dito, dumulog na si Cynthia sa DOLE para makuha ang kaniyang back pay.

Pero hindi dumadalo sa mga hearing ng DOLE ang pamunuan ng agency. Sinubukan ng ABS-CBN News na tawagan ang agency pero wala pa silang pahayag.

Dahil sa hindi pagdalo ng agency sa mga pagdinig, iniakyat na ng DOLE sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang reklamo ni Cynthia. Ayon sa DOLE, may paglabag sa batas ang agency dahil sa unclaimed salaries ni Cynthia.

Sa tulong ng DOLE at NLRC, natapos ang pagproseso at pag-aayos ng back pay ni Cynthia. Ibinigay na ng agency ni Cynthia ang huling sahod niyang halos P10,000 noong June 5.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.