Ilang bahay nasira sa pagragasa ng ipuipo sa Negros

Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 12:46 PM

BAGO, Negros Occidental - Hindi bababa sa 14 bahay ang nasira sa paghagupit ng ipuipo sa Barangay Calumanggan Biyernes ng gabi.

Ayon sa residenteng si Angie Jamandre namataan niya ang ipuipo mula sa dagat habang kumukulog at umaambon bandang 8:30 ng gabi.

Mayroong dalawang maliit na ipuipo na nagsanib at naging isa habang papalapit sa mga kabahayan, saad ni Jamandre.

Si Helen Marzon at ang kanyang anim na anak naman ay nakahiga na sa kama at naghahanda ng matulog nang biglang hampasin ng malakas na hangin ang kanilang bahay.

Ayon kay Marzon, bumigay ang kisame ng kanilang bahay dahil sa lakas ng hangin.

Walang nasaktan sa mag-anak ni Marzon ngunit napilitan ang kanilang pamilya na sumilong sa isang gilingan ng palay habang binabayo ng ipuipo ang ibang bahay sa barangay.

Ayon sa City Social Welfare and Development Office, 2 bahay ang tuluyang nawasak, habang 12 bahay naman ang nagtamo ng ilang pinsala.

Ayon sa mga awtoridad, namahagi na ang lokal na pamahalaan ng pagkain para sa 14 pamilya o 40 katao na apektado ng pagtama ng ipuipo sa lugar.

Ang mga bata ay pansamantalang pinapatulog sa isang day care center.

Ito na ang ikalawang insidente ng ipuipo dito sa lungsod ngayong linggo.

Hinagupit din ng ipuipo ang Barangay Caridad at Barangay Sagasa, maging ang Barangay Guintorilan sa bayan ng Valladolid noong Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.