Mga dalagang 'bakwit', humihiling ng privacy

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 08:34 PM | Updated as of Jun 17 2017 12:58 AM

Hinihiling ng ilang kabataang babae na nasa evacuation center na magkaroon ng privacy para malayo sa anumang posibilidad ng pang-aabuso. 

Bukod sa mga problema ng supply sa damit at tsinelas, nais din sana ng 12 anyos na si Jaminah Macadato na mabigyan silang mga batang babae ng privacy.

''Iniisip ko 'pag natutulog ako na gusto ko walang nakatingin sa akin kasi nakakahiya, lalo na kapag may lalaki,'' aniya.

Hindi naman alam ng mga dalagang tulad ni Macadato kung mapagbibigyan ang kanilang hiling.

''Sa mga Maranao, and'yan talaga ang pagiging conservative, dapat sana hindi nagkakahalo ang babae at lalaki, pero 'yun nga, kulang ang space, kaya tiis muna,'' ani Asliah Linga, staff ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 10.

Si Anisah Bongcarawan naman, kapapanganak lang noong Lunes at aminadong hindi pa nakaka-recover ang katawan pero bumalik na agad siya sa evacuation center dahil naroon ang kaniyang 7 anak na dapat alagaan.

Suwerte na rin umano ang mga nanay sa evacuation center sa Maria Cristina, dahil bukod sa mga gamot, may mother-and-child space kung saan tinuturuan sila kung paano mag-alaga ng mga anak at magpa-breastfeed. 

Siniguro naman ng DSWD ang seguridad ng mga nasa evacuation center, lalo na sa posibleng mga pang-aabuso sa mga babae. May mga psychosocial debriefing din na ginagawa. 

"May 24-hour police, so far wala pa naman reported na abuses, may nagroronda rin na pulis sa labas," ani Linga.

Base sa tala ng DSWD Region 10, nasa 811 na pamilya ang nasa apat na evacuation centers sa Iligan. 

Katumbas ito ng halos 4,000 indibidwal na katulad nina Macadato at Bongcarawan na umaasang makabalik sa normal na pamumuhay pagkatapos maipit sa bakbakan.--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.