Picket ng mga nagwewelgang trabahador sa Bulacan, binuwag

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 01:23 AM

Nagkagulo sa ginawang dispersal ng pulisya sa mga nagwewelgang trabahador sa labas ng pabrika ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan nitong Huwebes.

Humingi ng tulong sa pulis ang kompanya para baklasin ang picket na hinaharang umano ang mga delivery truck na papasok sa planta, bagay na nakaabala sa kanilang operasyon mula pa noong Hunyo 2.

Ayon sa union leader na si JC Gerola, 14 na taon na siyang nagtatrabaho sa kompanya bilang contractual employee.
    
Bukod sa umano'y hindi binibigay na overtime pay, marami rin daw siyang kasamahan na hindi nare-regular kahit ilang taon nang nagsisilbi sa kompanya.
    
Dagdag niya, may 17 kasamahan sila na ilegal na tinanggal.

"Mga benepisyo, kulang-kulang na sahod, hanggang ngayon hindi pa po binibigay," ani Gerola. 

Ngunit ayon sa NutriAsia, hindi umano nila talaga empleyado ang mga nagwewelga kung hindi sa contractor nila.

"Iyung nagtayo ng union at nag-picket dito, hindi namin empleyado. Sila ay outsourced namin na packer...Hindi sila talaga sa amin, sa kinuha namin na agency para sa filling process," paliwanag ni Thelma Meneses, head ng human resources department ng NutriAsia.

Nauna nang itinanggi ng kompanya na inutusan sila ng Department of Labor and Employment na gawing regular ang mga nagpoprotestang third-party employees.

Ayon sa NutriAsia, humingi ito ng tulong sa pulisya upang pigilan ang ilegal na paghinto ng paggawa. Humingi din ito ng tulong sa korte para pigilan ang welga.

Una nang sinubukang buwagin ng pulisya nitong Miyerkoles ang picket ngunit nabigo sila.

Nitong Huwebes, nagtagumpay na ang mga pulis kahit pa dumapa sa gitna ng kalye ang mga raliyista.

Binaklas din ng mga awtoridad ang mga kubol sa bangketa na itinayo ng mga nagpoprotesta. 

Tatlong welgista ang sugatan habang 20 ang inaresto.

Ayon sa pulisya, kakasuhan ng obstruction at disobedience ang tatlong naaresto. --Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.