Sikad driver arestado matapos mahulihan ng shabu

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 12:21 PM

GENERAL SANTOS - Arestado sa buy-bust operation ang isang drayber ng trisikad sa Barangay Bula, General Santos City, Martes ng hapon.

Nakakuha umano ng isang pakete ng hinihinalang shabu kay alyas Earl ang mga pulis na nagpanggap na kustomer.

Nagkakahalaga umano ang droga ng P500. Pero giit ng suspek itinanim lang ang ebidensiya laban sa kanya.

"Nagtaka na lang ako na may P500 na na marked money at 'yong sinasabi nilang droga. Hindi akin yon," sabi ng suspek.

Aminado ang suspek na noon ay gumamit siya ng droga. Pero tumigil na aniya siya at hindi umano siya nagbenta nito.

Nag-aalala ngayon ang suspek sa kinabukasan ng isang taong gulang niyang anak lalo't walang hanapbuhay ang kanyang kinakasama.

Kinasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.