P250-M halaga ng puslit na bigas nasabat ng Customs

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 01:29 PM | Updated as of Jun 14 2018 05:40 PM

MAYNILA - Aabot sa 200 container van ng puslit o smuggled na bigas ang nasabat ng Bureau of Customs sa magkakaibang petsa.

Ipinresenta ng ahensiya ngayong Huwebes ang sako-sakong nasabat na Thailand white rice na nagkakahalaga umanong P250 milyon.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, naghain ng import entry ang Farm Products Corp. para sa 150 containers sa iba't ibang petsa.

Pero nang suriin ang shipment na dumating sa pantalan, wala pala itong permit mula sa National Food Authority.

Samantala, wala namang lumulutang na kompanya para akuhin ang 50 pang container na walang permit.

Kakasuhan naman ang consignee ng mga kargamento sa paglabag sa Customs and Tariff Act.

Naglabas na rin ang ahensiya ng warant of seizure and detention para hindi mailabas ang mga nasabat nilang bigas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.