OFW sa Lebanon, patay nang 'mahulog' sa gusali

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 04:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nasawi ang isang ovearseas Filipino worker (OFW) matapos umanong mahulog sa gusaling pinagtatrabahuhan sa Lebanon.

Nalaglag ang biktima na kinilalang si Alma Cristobal mula sa ika-6 na palapag ng gusali kung saan ito nagtatrabaho bilang kasambahay.

Humihiling naman ng hustisya ang mga kamag-anak ng biktima.

"Nananawagan po ako kay President [Rodrigo] Duterte na sana po mabigyan ng hustisya ang kapatid ko kasi maliliit pa po 'yong mga anak niya," ani Marilyn Orpia, kapatid ng biktima.

Hinala ni Orpia, pinagmamalupitan umano ang kaniyang kapatid ng mga amo nitong Lebanese.

"Nagte-text siya sa akin 'ate mabait naman 'yong amo ko, linggo-linggo kami nagsisimba' pero noong February na raw nag-umpisa na di raw siya pinapakain," dagdag ni Orpia.

Aniya, nagpapaalam na rin ang kaniyang kapatid na gusto na nitong umuwi sa Pilipinas ngunit tumanggi umano na ibigay ng mga amo ang pasaporte nito.

"Ayaw ibigay 'yong passport. Sabi pa raw ng amo ng kapatid ko, pag-uwi raw niya magbabayad pa siya ng P250,000," ani Orpia.

Nakikipag-ugnayan na ang gobyerno sa pamilya upang maiuwi ang labi ng biktima.

"Pumirma po si Mr. Cristobal ng acceptance ng human remains. Siyang kakailanganin para mapauwi nang maaga 'yong bangkay po ng OFW," ani Luz Tumaluian, officer-in-charge ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2.

Ngayong araw sana ang nakatakdang pag-uwi ni Cristobal matapos padalhan ng mister nito ng pambili ng plane ticket.

Bukod sa asawa, naulila ng biktima ang tatlo nitong anak.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.