Nanay timbog sa 'online selling' ng maseselang retrato ng 6-anyos na anak

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 05:14 PM

DAVAO CITY — Naaresto ng pulisya noong Miyerkoles sa entrapment operation ang isang babae dahil sa pagbebenta ng mga maseselang retrato ng kaniyang anak na lalaki sa mga banyaga.

Inumpisahang manmanan ng Talomo police ang 27 anyos na suspek noon pang Marso matapos makatanggap ng sumbong mula sa mga awtoridad sa ibang bansa, ayon kay Superintendent Christine Tan, hepe ng Philippine National Police (PNP) Women and Children's Protection Mindanao Field Unit.

"This case was referred to us by our foreign counterpart," ani Tan.

Ayon kay Tan, pinahuhubad ng ina ang kaniyang 6 taong gulang na anak para ibenta ang mga larawan nito sa mga banyagang nakakausap sa internet.

Narekober ng pulisya sa operasyon ang mga retrato ng bata.

Sa kabila nito, itinanggi ng suspek ang mga paratang at sinabing sarili lang niya ang ibinebenta sa mga kausap online.

Depensa ng suspek ay kapos sila sa buhay at wala raw siyang permanenteng trabaho.

"Hindi ko naman talaga gusto ang ginagawa ko," anang suspek.

Nahuli rin ng mga awtoridad sa ibang bansa ang banyagang bumili ng malalaswang larawan ng suspek at ng bata.

Inaalam din ng pulisya kung ginamit din ng suspek ang dalawang menor de edad niyang kapatid sa ilegal na aktibidad.

Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, RA 10175 o Cybercrime Prevention Act, RA 9975 o Anti-Child Pornography Act, at RA 7610 o Anti-Child Abuse Act.

Ibinigay naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang biktima.

-- Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.