5-taong-gulang ginahasa, pinatay ng kaanak

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 11:53 AM | Updated as of Jun 14 2018 03:21 PM

Nakasubsob ang isang kaanak sa kabaong ng isang batang ginahasa at pinatay umano ng malayo nitong tiyuhin. ABS-CBN News

Suspek patay matapos mang-agaw umano ng baril

TAMPAKAN, South Cotabato - (UPDATED) Patay ang isang 5-taon-gulang na babae matapos umanong halayin ng kamag-anak na nakatira sa tabi ng kanilang bahay sa bayan na ito.

Linggo ng hapon nang iulat na nawawala ang batang magdiriwang sana ng kaniyang kaarawan ngayong Sabado.

Matapos ang ilang oras na paghahanap, may nakapagsabi sa pamilya ng biktima na may isang bangkay ng batang babae ang tila ibinaon at tinabunan ng bato sa isang creek sa bayan.

Positibong kinilala ng mga kaanak na sa bata ang naturang bangkay.

“Base sa dugo at sugat n'ya, talagang may indikasyon na ginahasa siya,” ani PO3 May Nomos.

Huling nakitang buhay ang bata kasama ang suspek na malayo nitong tiyuhin.

Nahuli ang suspek sa Alabel, Sarangani nitong Miyerkoles at dinala spabalik sa Tampakan. Inamin nitong nagawa niya ang krimen dahil sa kalasingan.

Aniya, "Ewan ko, basta nangyari na lang sa sobrang kalasingan ko. Hindi ko na alam kung ano'ng nangyari. Sana mapatawad pa ako ng pamilya."

NANG-AGAW NG BARIL?

Gayunman, sinubkan umano ng suspek na dakmain ang baril ang baril na nakasukbit sa tagiliran ng isang pulis na kukuha sana sa kaniyang fingerprint habang nasa loob ng investigation room, sabi ng pulisya.

Dahil dito, binaril siya ni Tampakan police chief Senior Insp. Rafael Banggay na nakakita sa pangyayari.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang suspek dahil sa tama ng bala sa dibdib.

 
Ulat ni Jay Dayupay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.