4 sugatan sa nahulog na scaffolding sa Caloocan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 11:13 PM

Apat ang nasaktan matapos mahulugan ng scaffolding sa Barangay 71, Caloocan nitong Huwebes.

Agad isinugod sa Caloocan City Medical Center ang tricycle driver na si Dennis Ferrer matapos magtamo ng head injury. Tatlo pang tricycle driver ang dinala sa ospital dahil sa minor injuries.

Kwento ng mga kasamahan ng mga tricycle driver, pasado alas-8:20 ng gabi nang biglang magbagsakan ng mga scaffolding ang pila ng mga tricycle sa 12th Ave., Barangay 71.

Nanggaling ito sa ginagawang condominium na Torre de Florencia ng Surewell Equities.

Ipapatawag ng munisipyo ang opisyal ng gusali at nakatakda rin itong mag-issue ng work stoppage sa pagpapatayo ng gusali.

Bukod sa mga nasaktang tricycle driver, nasira din ang apat na tricycle. -DZMM Teleradyo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.