3 babaeng nagtago ng droga sa ari, arestado sa Cebu

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 09:53 PM

CEBU CITY—Hinuli ang 3 babaeng dalaw sa Cebu City Jail, Huwebes ng umaga dahil umano sa pagpupuslit ng mga ilegal na droga na inilagay nila sa kanilang ari.

Hindi sila nakalusot sa ginawang inspeksyon ng Cebu City Jail at nakuha mula sa kanila ang mga pakete ng hinihinalang shabu at vial ng Nubain. 

Nagpaalam ang 3 na may bibisitahin sa male dormitory sa Cebu City Jail, pero nang isagawa na ang mandatory inspection para sa mga babaeng dalaw, nalaman na may inilagay umano pala na mga ilegal na droga ang mga babae sa kanilang ari.

Sina JO2 Angelie Cadiz, JO1 Geraldine Marie Galsing, at JO1 Virzeneth Sopieza ang nag-inspeksyon sa mga suspek sa isang kuwarto na para lang sa mga babaeng dalaw.

Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng pahayag.

Ayon kay Cebu City Jail Warden Renante Rubio, binayaran ang mga babae para ipasok ang mga kontrabando pero hindi pa nila alam kung sino ang nag-utos sa mga ito.

Sasampahan ng kasong pagpupuslit ng ilegal na droga ang mga suspek.