2 patay nang manlaban umano sa Bulacan buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 07:31 AM | Updated as of Jun 14 2018 08:01 AM

BULACAN - Patay ang 2 hinihinalang tulak matapos umanong manlaban sa mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan.

Sa Barangay Mabolo, Malolos City, ikinasa ang buy-bust operation laban kay Joseph Gallardo.

Aarestuhin na sana siya nang bumunot umano ng baril at nagpaputok sa mga pulis.

Nauwi ito sa engkuwentro kung saan tinamaan si Gallardo na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .22 na revolver, 10 sachet ng hinihinalang shabu, at 32 sachet ng hinihinalang marijuana.

Ayon sa pulisya, ang sementeryo umano ang ginagawang lugar ng bentahan ng droga ni Gallardo.

Samantala, nasawi naman sa buy-bust operation ang isang alyas Dabog sa Barangay Bayugo, Meycauayan.

Nanlaban din umano ang suspek nang aarestuhin ng mga pulis.

Narekober sa kaniya ang isang kalibre .22 na revolver at ilang sachet ng hinihinalang shabu. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.