QC public school students, ipapa-random drug test

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 07:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isasailalim sa random drug testing ngayong school year ang mga estudyante mula elementary hanggang high school sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City. 

Sa drug prevention education ng mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan sa lungsod nitong Miyerkoles, sinabi ni Vice Mayor Joy Belmonte na alinsunod ang hakbang sa ipinasang ordinansa ng lungsod.

"Ito ay dumaan na sa public consultation, nakonsulta na ang mga magulang," ani Belmonte. 

Ayon sa may-akda ng ordinansa na si Konsehal Gian Sotto, sinabi kasi ng Philippine Drug Enforcement Agency na napasok na ng ilegal na droga ang mga paaralan.

"Some of elementary to high school ang plano nila dahil may mga as early as 10, 13 [edad] gumagamit na," ani Sotto.

Sa ilalim ng ordinansa, bubuo ng isang selection board na binubuo ng principal o pinuno ng institusyon, at mga kinatawan mula sa faculty, student council, at grupo ng mga magulang.

Ang selection board ang magsasagawa ng drug testing kasama ang QC Anti-Drug Abuse Advisory Council katuwang ang isang laboratoryo na accredited ng Department of Health (DOH).

Tinitiyak din ng ordinansa na mananatiling confidential o pribado ang resulta ng drug test ng mga estudyante.

Kapag nagpositibo ang mag-aaral, irerekomenda sila sa isang accredited na doktor ng DOH para alamin ang dependency level ng estudyante.

Ayon naman sa QC Anti-Drug Abuse Advisory Council, sa 12,600 drug surrenderers na kanilang na-profile, isang porsiyento rito ay mga menor de edad o kabataan.

Hindi naman tutol sa drug test ang Commission of Human Rights (CHR) basta may sapat umanong patnubay at dapat alam ng mga mag-aaral kung para saan ang drug test.

"They must not be put in any danger or harm in so doing, their right to privacy must be observed," ani CHR Commissioner Gwen Pimental Gana.

Una nang ipinanukala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga bag at locker ng mga estudyante bilang pangontra sa mga nagdadala ng droga sa mga eskuwelahan.

Kamakailan din ay may nahuling mga supplier umano ng droga sa ilang eskuwelahan sa lungsod.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.