'Permiso' ng China para mangisda sa Scarborough, insulto: Robredo

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 08:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinawag na "malaking insulto" ni Bise Presidente Leni Robredo ang pahayag ng China na pinapayagan lamang nito ang mga Pilipino na mangisda sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) bilang pakikisama sa Pilipinas.

"Pakiramdam ko malaking sampal 'yon sa atin, malaking insulto kasi bakit ka kailangan humingi ng permiso sa pangingisda sa sarili mong [karagatan], sa pag-aari ng ating bayan," ani Robredo.

Sa isang pahayag ng embahada ng China kamakailan, sinabing itinuturing nila na "goodwill" o pakikisama ang pagpayag nila sa pangingisda ng mga Pilipino sa Panatag Shoal.

Ito ay kahit na ang Panatag Shoal ay pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ayon naman kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, huwag nang gawin na malaking isyu ang naging pahayag ng China.

Aniya, posibleng lang na hindi maayos ang pagkakasalin ng pahayag mula sa wikang Chinese.

"It's just pride. On both sides. Let it go. Let's not make a big deal out of it. Malay mo baka hindi maayos ang English translation nila ng Chinese statement," ani Sotto. 

Protesta laban sa China

Isinusulong naman ni Sen. Franklin Drilon ang paghahain ng reklamo laban sa China para sa insidente na kinasangkutan ng ilang kasapi ng Chinese coast guard sa Panatag Shoal.

Kamakailan ay naging usap-usapan ang video ng pagkuha umano ng ilang miyembro ng Chinese coast guard sa mga nahuling isda ng mga Pilipino kapalit ng iilang sigarilyo, noodles, at tubig.

Ani Drilon, kailangan mas palakasin ng Pilipinas ang pagprotekta sa mga teritoryo na inaangkin ng China lalo na't nanalo ang bansa sa kasong inihain sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands.

"I think there's enough evidence...Kaya siguro kaunting lakas ng loob naman at aking hinihiling kay (Foreign) Secretary (Alan Peter) Cayetano na mag-file ng protest. We must protect our right over that area especially given the favorable ruling that we had," ani Drilon.

Sinang-ayunan ang mungkahing ito ni Acting Chief Justice Antonio Carpio.

Ani Carpio, bukod sa pagsasampa ng bagong kaso ay kailangan din humingi ng danyos ng Pilipinas laban sa China para sa nawalang kabuhayan ng mangingisdang hindi pinapapasok sa Panatag Shoal.

"We can also ask damages for the action of China in preventing our fishermen from fishing inside the lagoon of Scarborough Shoal in violation of the 12 July 2016 arbitral ruling," ani Carpio.

Kabilang si Carpio sa grupo na ipinadala ng Pilipinas sa PCA para pagtibayin ang kaso laban sa China noong 2016.

-- May ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.