Erwan ibabalik ang mahigit P1 milyon mula sa 'Buhay Carinderia': DOT chief

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 11:47 PM | Updated as of Jun 14 2018 09:53 PM

Handa si Erwan Heussaff na ibalik ang umano'y humigit kumulang P1 milyong talent fee niya mula sa sinuspindeng "Buhay Carinderia" food tourism project, ayon mismo sa kalihim ng Department of Tourism (DOT). 

Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, mananatiling katuwang si Heussaff sa mga bagong kampanya ng DOT.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"It's the right gesture to do, I know Erwan, he's a friend and he has good intentions for our country," ani Romulo-Puyat. "In fact, he helped me before sa pag-push ng food campaign natin. Walang bayad ha, he said he will continue to help."

Bukod kay Heussaff, handa ring makipagtulungan sa kagawaran ang ilang malalaking pangalan sa showbiz.

Libre nila itong gagawin para sa bagong Tourism campaign, ayon kay Romulo-Puyat.

"Nangako na sina Aga Muhlach, Sharon Cuneta, Rico Blanco, at apl.de.ap, Up Dharma Down, etcetera, they are all volunteering to help our tourism drive - pro bono ito ha, walang bayad, for love of country," anang kalihim.

Nasa Commission on Audit (COA) na ang imbestigasyon sa project na hindi umano dumaan sa bidding.

Sa tulong ng showbiz, mas prayoridad ni Romulo-Puyat na patingkarin lalo ang kaniyang nationwide food tourism campaign na inumpisahan niya bilang undersecretary sa Department of Agriculture.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.