CBCP, nais ng dayalogo kay Duterte dahil sa pagkamatay ng mga pari

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 08:07 PM

Mismong mga obispo na ang nag-aabot ng kanilang kamay upang magkaroon ng dayalogo sa pagitan nila at ni Pangulong Rodrigo Duterte, makaraan ang pinakahuling banat nito sa Simbahang Katolika.

Gayong alam daw nila na hindi na bago kay Duterte ang bumanat, hiling ng isang opisyal ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na makausap ng pangulo ang mga obispo sa lalong madaling panahon.

"Ito sa kaalaman na lang din ng Pangulo at sana makarating din: We are open to dialogue. I got this from some high-ranking officials of the CBCP, that we would like to create spaces for dialogue. But we just don't know how we are going to start," ani Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs. 

Pero maliban kasi sa mga banat ni Duterte, tatlong pari na rin ang napapaslang mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon.

Pinakahuli dito si Fr. Richmond Nilo, isang kilalang tagapagtanggol ng Simbahang Katolika kontra sa ibang sektang tumutuligsa rito.

Iba pang anggulo

Bukod sa away sa relihiyon, tinitingnan din ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa sigalot sa lupa, maging ang pagtulong ng pari sa mga biktima ng rape.

Matatandaang binaril at napatay si Nilo habang naghahanda ito sa isang misa sa Nueva Ecija nitong Linggo.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), tukoy na nila ang isa sa limang suspek sa pagpatay kay Nilo.

Pinaiimbestigahan na rin sa Senado ang pagpaslang sa naturang pari.

"Ang mararahas na salita ni Presidente, ang mga banta niyang pananalita...ay mukhang totoong nag-e-engender ng ganitong mararahas na gawain sa ganiyang mga pag-atake," ani Senador Risa Hontiveros.

Sa isang pahayag, nanawagan si Archbishop Socrates Villegas sa Pangulo na tigilan na ang "verbal persecution."

"Let us implore the grace of God to touch the heart of the President of the Philippines to stop the verbal persecution of the Catholic Church because such attacks can unwittingly embolden more crimes against priests," giit ni Villegas.

Para sa political analyst na si Ramon Casiple, puwedeng lumabas na hindi epektibo ang kampanya ni Duterte laban sa krimen kung laganap pa rin ang patayan tulad ng nangyari sa tatlong pari.

Pero dagdag niya, may dahilan kung bakit patuloy ang banat ni Duterte sa simbahan.

"Ang suspetsa kasi dito mula pa nu'ng nagsimula ito [ay] may mga elemento sa simbahan na involved [umano] dun sa destabilization plot," ani Casiple. 

Dati nang nilinaw ng simbahan na di ito nakikialam sa politika.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.