Pagkuha ng ilang Tsino sa huli ng mangingisdang Pinoy, di harassment: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 11:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tsina pa rin ang malinaw na may kontrol sa Scarborough o Panatag Shoal, ayon mismo sa mga mangingisdang Pinoy na naghahanapbuhay roon.

Iniharap sa Malacañang nitong Lunes ang mga mangingisda mula sa Masinloc, Zambales.

Sila ang mga mangingisdang puwersahang kinukuhanan umano ng Chinese coast guard ng mga pinakamagagandang nahuling isda, kapalit ng iilang sigarilyo, noodles, at tubig.

"E ano'ng magagawa naming mangingisda doon kung magtitigas-tigasan kami doon, di para lang kaming ano doon, yung lata na pinitpit," ani Rommel Cejuela, isa sa mga nagrereklamong Pinoy na mangingisda.

Nangako ang Malacañang na hindi nila palalampasin ang isyu.

Katunayan, kumikilos na raw sila para hilingin sa Tsina na disiplinahin ang kanilang coast guard. 

"Kung may bugok na coast guard sa Pilipinas, may bugok ding coast guard sa Tsina. So ang kinakailangan, disiplinahin siguro ng Tsina 'yong mga bugok, na nangunguha ng isda," ani presidential spokesperson Harry Roque.

Sa kabila ng insidente, kumpiyansa pa rin ang Palasyo na hindi kasama sa opisyal na polisiya ng Tsina ang pagkuha sa huli ng mga mangingisda sa Panatag Shoal. 

Ito'y dahil nangako na raw si Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte na puwedeng mangisda sa lugar.

Ayon pa kay Roque, hindi rin maituturing na harassment ang ginawa sa mga mangingisda.

"I would not say it's harassment because you know what harassment is during the time of President Aquino. Water cannons were used against them, they were rammed... and talagang kinukuwento naman doon, ay lahat po nakapangingisda na [ngayon]," ani Roque.

Ipinupunto ng Malacañang na sa kabila ng insidente, di hamak na mas maganda na ang sitwasyon ng mga mangingisda sa Panatag Shoal kumpara noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ito ay kahit pinagbabawalan pa ring pumasok ang mga malalaking fishing vessel ng mga Pinoy.

Halatang naubusan naman ng pasensiya si Roque sa tuloy-tuloy na pagkuwestiyon sa kaniya ng media kaya bigla niya ring tinapos ang press briefing.

"I'm sorry but you can't do a documentary on my press briefing," ani Roque sa pagputol sa pagtatanong sa mga mangingisda ng isang mamamahayag. 

Ilang beses nang naging tampulan ng batikos ang administrasyon dahil sa umano'y malamyang pagtugon sa sigalot sa West Philippine Sea kapalit ng mas magandang relasyon sa Tsina. 

Pero kung ang mga apektadong mangingisda lang ang tatanungin, di bale nang agawin ang kanilang huli, huwag lang silang muling pagbawalan ng Tsina sa lugar at nang hindi na magutom ulit ang kanilang pamilya.

DEFENSE CHIEF, DATING SOLGEN

Watch more in iWantv or TFC.tv

Masakit naman daw para sa Department of National Defense (DND) na malamang may mga mangingisdang Pilipino pa ring patuloy umanong hina-harass ng mga Tsino sa karagatang pag-aari naman ng Pilipinas.

"Gusto ko diyan mag-protest tayo kung talagang nangyari 'yon, 'yon din ang gusto ni [Foreign Affairs] Secretary [Alan Peter] Cayetano. But we have to validate," ani DND Secretary Delfin Lorenzana.

Umalma si Lorenzana sa mga paratang na "mismanaged" o hindi maayos ang paghawak ng administrasyon sa sensitibong kaso ng West Philippine Sea.

"Ngayon we can sell our bananas there. We can fish there. Mga tropa natin hindi na hina-harass... Is that mismanagement? Ang nag-mismanage 'yong previous administration dahil nagkagulo-gulo rito," ani Lorenzana. 

Tingin naman ni dating Solicitor General Florin Hilbay, malinaw na bagsak ang gobyerno sa isyung ito ng teritoryo.

Si Hilbay ang isa sa mga nanguna sa pagsasampa ng kaso laban sa Tsina sa UN tribunal sa The Hague, Netherlands kung saan nanalo ang Pilipinas. 

"Kung ihahalintulad mo ito sa isang game ng chess, nakuha natin 'yong queen nila doon sa Philippines versus China, pero parang tayo pa 'yong sumu-surrender doon sa laban," ani Hilbay.

Hindi rin daw maitatanggi na lalong lumaki at dumami ang mga gamit militar at pasilidad na itinayo sa mga lugar na inaangkin ng Tsina.

"Kung ano man 'yong mga nilagay nila doon, 'yong missile system nila ay nakatutok sa atin dahil we are within the range of their missile system," sabi ni Hilbay. 

Sa panayam ng ABS-CBN News sa Singapore kung saan idinaos ang isang high-level security summit, inamin ni Lorenzana na hindi kaya ng Pilipinas sa ngayon na ipagtanggol ang teritoryo sa West Philippine Sea. 

"We are not capable. We don't have... the weapons, our sole airstrip in Pag-asa [island] is very short and it is unpaved," ani Lorenzana.

Pinabualaanan naman na may utos ang pangulo sa Armed Forces of the Philippines na itigil ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea. 

Hindi rin daw totoo na bagsak ang morale ng mga sundalo dahil sa paghawak nila sa isyu.

Nanindigan naman sa kaniyang alegasyon si Magdalo Rep. Gary Alejano.

"Face to face na sinabi sa 'kin 'yon, may tono ng frustration talaga na parang 'bakit naman kami pipigilan sa trabaho namin?'" sabi ni Alejano.

Nitong mga nakaraang araw, lumapag sa Davao international airport ang isang eroplano ng Chinese air force. 

Ayon sa administrasyon, nagpagasolina lang ang eroplano at walang kakaiba sa ginawang ito. 

Para sa isang security expert, senyales ito ng positibong relasyon ng Beijing kay Duterte. 

Patunay umano rito ang pagdaong ng eroplano sa Davao na matagal nang balwarte ng pangulo.

"We are seeing right now a paradigm shift on how these local cities are becoming a central power. We have seen that Davao is the locality where the president is based. Not only Manila is the seat of power, but also Davao," ani Dr. Chester Cabalza, isang security expert.

Gayunman, duda ang isang analyst sa pahayag na nagpa-gas lang ang eroplano ng Tsina.

"There are other witnesses in Davao who have been saying that the plane was there a little bit longer... than is required for standard refueling procedure," ani Jose Antonio Custodio, isang defense analyst.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.