Buhay sa 'night shift' bibigyang liwanag sa "Mukha" sa Sunday's Best

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 01:34 PM

Habang tulog ang nakararami, gising na gising naman ang mga Pilipinong nagta-trabaho buong gabi para siguraduhin ang kaligtasan ng mga mamamayan at kaayusan ng ekonomiya. Sila iyong mga nagtatrabaho bilang mangingisda, doktor, mamamahayag, security guard, call center agent, at iba pa.

Ngayong Linggo (June 11) sa ABS-CBN Sunday’s Best pagkatapos ng “Gandang Gabi Vice,” silipin ang kanilang makulay na buhay tuwing nababalot na ang mundo ng dilim sa anniversary special ng premyadong documentary series na “Mukha” na pinamagatang “Night Shift.”

Sasamahan ng “Mukha” sa trabaho ang 12 Pilipino kabilang ang mangingisdang si Emboy Samartino ng Cavite, na pumapalaot buong gabi para makahuli ng isda na siya namang dadalhin ng mga port worker tulad ni Joseph Estrada sa mga mamimili. Nangangalaga naman sa mga mamamayan ang tulad nina Kenneth Lacuna, isang Emergency Medical Technician (EMT) at Dr. Kesiah Bugante ng Fabella Hospital, na magdamag nagpapaanak sa hindi bababa sa 15 na ina.

Susundan din ang photojournalist na si Vincent Go na kumukuha ng mga litratong nagpapakita sa kalagayan ng bayan. Ang kaniyang mga kuha ay nalilimbag sa mga diyaryong dumadaan naman sa mga roll man tulad ni Rolly Damasco, para masigurado ang kalidad ng pagka-imprenta nito bago dalhin sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Ibabahagi rin ng “Mukha” ang mga karanasan ni Danilo Rubio, isang security guard sa Manila Metropolitan Theatre at ang coast guard commander na si Angel Biliran, na misyong bantayan ang teritoryo ng Pilipinas sa karagatan.

Masisilip din ang buhay sa construction ni Louie Cabtalan na siyang tumitiyak na matibay ang pundasyon ng mga gusali. Ito man ang linya ng kaniyang trabaho, aminado siyang hindi pa rin niya mabigyan ng maayos na tahanan ang sariling pamilya. Ang LRT Line 2 driver na si Carlos Valdez naman, pumapasok ng 2 a.m. para tingnan ang kondisiyon ng mga tren bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga commuter sa umaga.

Tatalakayin din ang mga isyu sa kalusugan at diskriminasyon ng mga nagta-trabaho sa call center sa panayam kay Ralph Rumbines, habang ipapakita naman ni Waynajoy Festijo ang mga ginagawa niya bilang airport ramp personnel upang walang maging problema sa pagdating at paglipad ng mga eroplano.

Unang napanood ang mga kuwento sa “Night Shift” sa ANC, the ABS-CBN News Channel. Noong 2016, gumawa ng kasaysayan ang “Mukha” nang manalo ng Silver Dolphin sa 7th Cannes Corporate Media and TV Awards sa France. Finalist din ito sa 2017 New York Festivals Awards for International TV programs and Films para sa entry nito na “Serbisyo” sa Current Affairs category.

Panoorin ang anniversary special ng "Mukha” sa pagsasalaysay ni Tony Velasquez sa “Sunday's Best” ngayong Linggo (June 11), pagkatapos ng “Gandang Gabi Vice” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Mapapanood din ito sa iwantv.com.ph at skyondemand.com.ph. Para sa updates, sundan ang “Mukha” sa Facebook at Twitter (@MukhaTV).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.