5 'batang solvent', sinagip sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 03:33 PM | Updated as of May 26 2017 03:34 PM

Sinagip ng City Social Services Department (CSSD) ng Calamba, Laguna noong Martes ang ilang kabataang nalululong sa pagsinghot ng solvent. 

Nasagip ng CSSD, kasama ang Philippine National Police Calamba, ang limang menor de edad na pawang nasa edad 6 hanggang 14 na taong gulang.

Ito ay bilang bahagi ng Oplan Sagip Batang Lansangan sa barangay Paciano Rizal. 

Isinagawa ang pag-rescue matapos makunan ng video ng isang Bayan Patroller ang mga bata habang sumisinghot ng solvent. Itinawag agad ito sa sa Bayan Mo I-Patrol Mo o BMPM.

Nakunan sa video ang pagsinghot ng solvent ng mga kabataan sa harapan ng isang bangko sa barangay Paciano Rizal noong Mayo 15, pasado alas tres ng hapon.

Sa video, isang plastic ang hawak ng isang bata, at tila sinisinghot ang laman nito. Hawak naman ng isa pang bata ang isang boteng plastic na tila may laman ding solvent. 

Ayon pa sa Patroller, maraming beses na niyang napapansin ang mga kabataang nakatambay at sumisinghot ng solvent sa lugar.

Nasa pangangalaga na ng Center for Street Children ang mga bata para mabigyan ng pansamantalang pangangalaga at tirahan. 

Nakikipagpulong din ang CSSD sa mga magulang ng mga batang nasagip upang pag-usapan ang sitwasyon ng kanilang mga anak. 

-- May ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.