Mga banat ni Duterte sa kababaihan, posibleng 'labag' sa batas: propesor

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 06:52 PM | Updated as of May 26 2018 01:56 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumuwelta ang mga grupong nagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan sa sunod-sunod na pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano'y nakababawas sa pagkatao at dignidad ng mga babae. 

Nitong nakaraang mga araw nagsimulang mag-post ng mga retrato at video ang netizens bilang pagkondena sa misogyny o sexism matapos sabihin ng pangulo na ayaw niyang magtalaga ng babae para sa isang mataas na posisyon.

"Hindi ba tayo nababastos sa tuwing nagsasalita siya? [So] we decided that the easiest thing to do for everybody was a social media campaign...to encourage women to speak out," ayon sa manunulat na si Inday Espina-Varona, na co-convenor din ng grupong Let's Organize for Democracy and Integrity (LODI).

Kaisa na rin sa kampanya sina Mae Paner alyas Juana Change at dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Judy Taguiwalo.

"The President through his pronouncements and attacks on women critical of his rule has reinforced misogyny and has set back the gains we have made in advancing women's equality in the country," pahayag ni Taguiwalo.

Ayon sa isang propesor, hindi raw puwedeng palampasin ang mga pananalita ng Pangulo dahil bilang pinakamataas na lider ng bansa, nagiging halimbawa siya na puwedeng tularan lalo ng mga kabataan.

"I'm worried that it might normalize beliefs about women that are so intransigent that we've been trying so hard to change," pangamba ni Dr. Nathalie Africa-Verceles, director ng UP Center for Women’s and Gender Studies.

Paalala pa ni Verceles, garantisado ng Konstitusyon at ng Magna Carta for Women ang pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki.

Nakasaad sa Article II, Section 14 ng 1987 Constitution: "The State recognizes the role of women in nation-building, and shall ensure the fundamental equality before the law of women and men."

Dahil dito, posible daw na lumalabag o sumasalungat ang Pangulo sa mga nabanggit na batas.

"His utterances really have no basis in the law when you say that women are not equipped for certain occupations. That goes clearly against the Magna Carta for Women which provides for equal opportunities for men and women. He’s the president," ani Verceles. 

Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Emmi De Jesus, nababalewala tuloy ang anumang nagawa ng Pangulo para sa mga kababaihan dahil sa mga pahayag niya.

"Iyung sinasabi niya ngayon at ginagawa niya ngayon at pinantitimbang niya 'yung ginawa niya [noon], hindi iyon katimbang-timbang, and in fact pinapalabnaw nga niya," ani De Jesus.

Nauna nang ipinagtanggol ang Pangulo ng kaniyang mga opisyal at kaalyado.

"President Duterte’s way of self-expression has always been taken out of context but to say that [he] is not pro-women and looks down on women is truly unfair. These allegations are clearly political," ani Special Assistant to the President Bong Go.

"We reiterate that the President’s recent remarks on women are a mere play of words," ayon naman kay presidential spokesperson Harry Roque. 

Umaasa naman si Verceles na dadaan sa gender sensitivity training ang Pangulo para talagang maipaglaban niya ang mga kababaihan. Nanawagan din siya sa publiko na maging mapanuri sa lahat ng mga sinasabi ng Pangulo.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.