Sumalisi sa tindera ng siomai, nahuli, nakipag-areglo

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 01:33 AM

Nahuli na ang babaing nakunan ng CCTV na nagnanakaw sa isang tindahan ng siomai sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa report, namukhaan ang babae nang muli siyang dumaan sa lugar.

Nai-report sa Pandi police station ang insidente noong Mayo 19 at agad nagpakalat ng mga retrato ng suspek.

Sa CCTV footage na pinadala ni Bayan Patroller Miriam Roque, nagpanggap pang kostumer ng bakery ang suspek.

Pero sinipat na pala ng suspek ang bag na nasa upuan sa tindahan ng siomai na nakapuwesto sa harap ng bakery. 

Nagawa pang bayaran ng suspek ang mga binili niya sa bakery bago tuluyang umalis bitbit ang ninakaw na bag na naglalaman ng P900 na pinagbentahan ng siomai, isang cellphone, at mga ID ng tindera.

Todo-tanggi pa ang suspek pero nang ipakita sa kanya ang kuha ng CCTV, inamin na rin niya ang ginawang pagnanakaw.

Nakipag-areglo ang biktima sa suspek at binayaran na lamang ang ninakaw niyang pera. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.