Kalituhan sa pagpapatupad ng batas sa 'distracted' driving

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 08:20 PM

Nagdulot ng kalituhan sa publiko at maging sa mga nagpapatupad nito ang mga batas na Anti-Distracted Driving at Children's Safety on Motorcycles Act sa mga unang araw pa lamang ng pagiging epektibo ng mga ito.

Sa isinagawang pagpupulong ng mga ahensiyang naatasang magpatupad ng batas, inamin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson Aileen Lizada na napag-usapan na suspindihin muna ang dalawang batas dahil sa kalituhan at kakulangan ng information drive.

Ngunit nagkasundo rin naman ang mga ahensiya na ituloy ang pagpapatupad ng batas.

Sa pagpupulong na ito, nilinaw nila ang mga sumusunod:

Bawal ang anumang bagay, cellphone man o gadget, para sa navigational apps, na nakasampay sa windshield o nasa ibabaw ng dashboard.

Ang cellphone ay puwedeng ilagay sa tabi, pero hands-free dapat.

Kung hahawakan ito at nahuli sa CCTV o ng enforcer, ngunit nais dumepensang hindi naman ito ginamit para mag-text o tumawag, magpaliwanag na lang umano sa Traffic Adjudication Board dahil huhulihin pa rin. Aabutin ng dalawang buwan hanggang isang taon ang diskusyon o hearing ukol sa ilalabang kaso. 

Kapag nata-traffic ngunit kailangang kailangan talagang gamitin ang cellphone, gaya ng kung may kaso ng medical emergency, ipaliwanag lang umano sa arresting officer ang kaso at ma-e-exempt naman.

Ang gadgets naman na para sa navigational apps gaya ng Waze ay dapat sa air con vent lang nakalagay o sa level na iyon. Kapag umabot ito sa dashboard, violation na dahil nakadi-distract na sa 'line of sight' ng driver.

Ang dash cam ay dapat nakapuwesto sa likod ng rear view mirror. 

Bawal ang abubot 

Ukol naman sa pagme-make up, pag-inom ng kape, at paglagay ng abubot sa dashboard, may isang linggo para tanggalin ang lahat ng iyon dahil bawal na rin ito. Dati na umanong may batas hinggil doon. Ito ang Joint Administrative Order 2014 No. 1 na inilabas pa ng Department of Transportation and Communication. 

Nasa P5,000 ang multa at mai-impound ang sasakyan. Kumpiskado rin ng gobyerno lahat ng abubot. 

"You have to clear your dashboard of everything. Pati 'yung mga make up, 'yung mga seven dwarfs, mga kumakaway na pusa, mga asong gumaganun sa ulo," ayon kay Atty. Aileen Lizada, spokesperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. 

Bawal na rin ang rosaryong nakasabit sa rearview mirror ng sasakyan. 

"We asked that also sa grupo. Alam natin si Lord, kahit saan tayo, kasama natin Siya. He will not mind also kung saan natin siya ilalagay. Somewhere nearby, pero 'wag na 'yung sa bandang eyesight natin na parating nagsi-swing. Very understanding naman po si Lord," ani Atty. Lizada. 

Tanggalin na rin dapat ang signages sa windshield, dahil sa susunod na linggo, maglalabas ng memorandum circular na nagsasaad na lahat ng signages ay dapat nasa gilid lang ng jeep.

Tuloy naman ang paghuli sa mga lumalabag sa Anti-distracted Driving Act gamit ang 'No Contact Apprehension' ng Metropolitan Manila Development Authority. Umabot sa 35 ang nahuli buong maghapon.

Panghuhuli sa mga nag-aangkas ng bata sa motor, itinigil

Itinigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panghuhuli sa mga lumalabag sa batas na nagbabawal sa pagsakay ng mga bata sa motorsiklo.

Bagaman epektibo na ang batas at may ilang paglabag na nakunan sa CCTV, hindi muna nanita o nanghuli ang MMDA dahil hindi pa pormal na nade-deputize ng Land Transportation Office (LTO) ang mga itatalagang enforcers ng batas.

[LINK "epektibo na ang batas" TO: http://news.abs-cbn.com/video/news/05/19/17/childrens-safety-on-motorcycles-act-mahigpit-nang-ipatutupad]

Ayon sa MMDA, padadalhan na lang muna nila ng larawan ng aktong paglabag ang mga motorista, at LTO na ang magpapasya sa anumang ipapataw na parusa.

Hiling naman ng MMDA sa LTO, gawin sanang rekisito ang paglalagay ng plaka sa harap ng motorsiklo.

Nahihirapan umano ang MMDA na tukuyin kaagad ang plaka ng motor dahil kailangan pa nilang hintayin na umandar ang mga ito para makunan ng video.

Inaayos pa rin ang mga dapat gawin ng MMDA, subalit tuloy pa rin ang panghuhuli ng Highway Patrol Group.

Sa Dagupan City, hindi rin muna nanghuli ang mga enforcer ng LTO dahil wala pang inilabas na memorandum o IRR ang kanilang central office. 

Sa Palawan naman, wala pa umanong nakararating na pormal na direktiba ang opisina ng LTO doon mula sa Department of Transportation patungkol sa implementasyon ng RA 10666.

Nakuha lang nila ang impormasyon sa media at internet pero nagpaplano na sila ng mga estratehiya kung paano ito mahigpit na maipatutupad.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.