Dash cam sa pampublikong sasakyan, itinutulak

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 01:50 AM

Ipinapanukala sa Senado na gawing mandatory ang paglalagay ng dash cam sa mga public utility vehicles (PUVs), school bus, at patrol cars.

Sa Senate Bill 1457, sinabi na malaki ang magiging papel ng paglalagay ng dash cam sa pagresolba ng mga aksidente sa kalsada dahil nakukunan ng dash cam ang harap at likod ng sasakyan.
 
Mayroon ding dash cams na na may WiFi at puwedeng ipalit sa rearview mirror. May iba na may collision sensor kung saan automatic na magre-record ang camera kapag binangga ang sasakyan.

Ang dash cam na ipinapanukalang ilagay ay may laking hindi hihigit sa 5-inch square area sa windshield sa driver side at 7-inch square area sa windshield ng passenger side. Hindi naman umano ito lalabag sa Anti-Distracted Driving Act.

Sakaling maisabatas ang panukala, pagmumultahin ng P50,000 o kaya'y kakanselahin ang prangkisa ng mga hindi susunod.

Ngunit ngayon pa lamang ay umaalma na ang mga driver ng jeep dahil magastos umano ang dash cam.

Naglalaro ang presyo nito mula P2,500 hanggang P11,000. May murang nabibili online na nagkakahalagang P500 hanggang P1,000 ngunit iba ang kalidad ng video.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN New

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.