Tricycle driver na 'nanlaban' sa mga pulis, patay

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 05:01 AM

MAYNILA - Patay ang isang tricycle driver matapos umanong manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Pandi, Bulacan Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Robin Nogoy.

Ayon sa pulisya, nakahalata umano si Nogoy na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

"Siya po ang unang bumunot ng baril at pinaputukan ang ating poseur buyer," ani Senior Supt. Chito Bersaluna, director ng Bulacan police.

Sumuko na umano noong nakaraang taon ang suspek sa Oplan Tokhang.

"Siya ay nag-undergo ng reformation program. Ngunit may nagsumbong na patuloy pa rin ang kaniyang ginagawang pagtutulak dito," dagdag ni Bersaluna.

Suki umano ni Nogoy ang mga residente ng relocation sites sa Pandi.

Narekober sa suspek ang 5 sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 na baril. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.