Suspek na nanggahasa, pumatay sa 3-taong gulang, sumuko na

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 12:51 PM

Boluntaryo umanong sumuko sa awtoridad si Rene Bueno, ang itinuturong suspek sa panggagahasa at pagpatay sa 3-taong gulang na babae sa Barangay Singao sa Kidapawan City.

KIDAPAWAN CITY – Nasampahan na ng kasong rape with homicide ang lalaking itinuturong suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 3-taong gulang na babae sa Barangay Singao.

Ayon sa pulisya, boluntaryong sumuko si Rene Bueno sa Maitum, Sarangani Municipal Police Station noong Mayo 12 bago pa man kuyugin ng mga residenteng namukhaan siya mula sa inilabas ang retrato niya sa social media matapos ang krimen.

Tumangging magbigay ng anumang pahayag sa news team si Bueno. Base sa pagtatanong ng imbestigador ng Kidapawan City Police Office, inamin nitong nagawa niya ang krimen dahil sa kalasingan.

Linggo ng umaga nang matagpuan ang hubad na bangkay ng bata 100 metro mula sa kanilang bahay sa Barangay Singao.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, piyesta sa barangay at kaarawan ng lola ng bata nang mangyari ang krimen Sabado ng gabi.

Samantala, personal namang iniabot ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang P100,000 pabuya sa hepe ng Maitum, Sarangani Municipal Police Station na si Chief Inspector Juanito Castillo Jr. Sila na umano ang magbibigay ng pabuya sa tipster na hindi na pinangalanan pa na nagsumbong sa pulisya hinggil sa kinaroroonan ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.