Ramadan umarangkada na; mga 'bakwit' sa Marawi, may daing

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 07:19 PM | Updated as of May 17 2018 09:13 PM

Napuno ang Golden Mosque sa Quiapo, Maynila alas-4:30 ng umaga Huwebes para sa Fajr o ang dawn prayer kasabay ng pagsisimula ng buwan ng Ramadan para sa mga kababayang Muslim.

Bago ito, nagsalu-salo muna ang ilang nasa Maynila ng kanilang suhoor o ang almusal bago ang kanilang fasting.

"Kapag nagfa-fasting ka para kang bagong pinanganak; maaalis mga kasalanan mo," ani Fatima Barma Amilhamja.

Sa Taguig City naman, maaga ring nagtipon ang mga Muslim para magdasal sa Blue Mosque.

Panalangin nila ngayong Ramadan ay ang pagganda ng ekonomiya at ang kapayapaan.

Ang Ramadan ang banal na buwan para sa mga Muslim kung kailan isang buwan silang nag-aayuno. Hindi sila kumakain at umiinom, at hindi rin gumagawa ng anumang kasalanan.

Ito ang ika-9 na buwan sa Islamic calendar at isa sa pinakamahalagang bahagi ng taon para sa mga Muslim.

"Ang buwan ng Ramadan ay buwan ng pagpapala," paliwanag ni Alnur Bansil.

Sitwasyon ng mga bakwit isang taon matapos ang giyera

Pero may ilang pamilya naman na walang maihahanda sa pagpasok ng Ramadan.

Kabilang na rito ang 35 pamilya ng mga 'bakwit'o evacuees mula Marawi na nananatili pa rin hanggang ngayon sa evacuation centers sa ibang bahagi ng Mindanao.

Paubos na kasi ang kanilang rasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Whole day wala kaming kinakain. Kailangan mag-fasting kami ng masustansiyang pagkain kasi hihina katawan namin," ani Naifa Sidic.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na magpapatuloy ang rasyon ng bigas, de-lata, at kape para sa mga bakwit. 

Halos isang taon mula nang magsimula ang Marawi siege, may ilan pa ring pansamantalang nakatira sa Sarimanok tent sa Marawi City.

Kaya naman kahit simula na ang Ramadan, namigay ng mga food items ang Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 8,000 pamilya na naapektuhan ng digmaan.

-Ulat nina Ernie Manio at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.