'Mag-resign ka na,' Sereno bumanat kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 10:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hinamon ng napatalsik na Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na sa puwesto.

Ito ay matapos sabihin ni Duterte na magre-resign siya kung mapapatunayang nasa likod siya ng pagpapatalsik sa dating punong mahistrado.

"Pang-ilang beses na nating narinig na magre-resign ka? Ginoong Pangulo, mag-resign ka na," sabi ni Sereno sa forum ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon pa kay Sereno, hindi isasampa ni Solicitor General Jose Calida ang quo warranto petition kung walang basbas ng pangulo.

Ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto ang nagpatalsik kay Sereno sa puwesto. 

"Noong Abril 9, sinabi niyang gagawin niya ang lahat para matanggal ako," ani Sereno.

Binatikos din ni Sereno ang pahayag ni Duterte na hindi siya hahayaan ng Tsina na maalis sa puwesto.

"Ang accountability niya sa Tsina. Eh 'di ganun din po pala. Akala ko ang accountability ko sa Pilipino," sabi ni Sereno.

Bago magsalita sa forum ng IBP, binanatan din ni Sereno ang gobyerno sa forum ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines sa Ateneo de Manila University.

Pinuna ni Sereno ang giyera kontra droga at pagiging malapit ng gobyerno sa Tsina.

Inihalintulad din ni Sereno sa martial law ang kasalukuyang estado ng bansa.

Samantala, binatikos din ng ilang mga grupo si Duterte matapos niyang sabihin na ayaw niya sa isa pang babaeng chief justice.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Mag-nominate sila (Judicial and Bar Council) pero I choose. Gusto ko 'yung bilib ang tao sa integrity niya. Of course, it could not be a politician, lalo na hindi babae," sabi ni Duterte.

Isa si Commissioner Robert Cadiz ng Commission of Human Rights (CHR) sa mga kumondena sa pahayag ng pangulo.

Ngunit ayon kay Cadiz, maaaring takot si Duterte sa mga babae.

"It probably speaks well of women jurists on their independence, takot siya sa mga babae probably because women are more independent, they speak the truth," sabi ni Cadiz.

Nababahala naman ang grupong Gabriela dahil tila sa Malacañang pa nanggagaling ang paglapastangan sa mga babae.

Minsan nang itinanggi ng Malacañang na galit sa mga babae si Duterte.

--Ulat nina Mike Navallo at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.