Liderato ng Senado, nais ilipat kay Tito Sotto

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 10:20 PM

Sina Sen. Koko Pimentel at Sen. Tito Sotto. File Photos

Maaaring mabago na ang uupong Senate president sa susunod na linggo sakaling masunod ang nilalaman ng isang resolusyon sa mataas na kapulungan.

Pumirma sa resolusyon ang 15 senador para ilipat na ang liderato ng Senado kay Senador Vicente "Tito" Sotto III mula kay Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III.

Ang mga pumirma sa resolusyon nitong Huwebes ay sina Senador Loren Legarda, Nancy Binay, Sonny Angara, Joel Villanueva, Gringo Honasan, Panfilo Lacson, Miguel Zubiri, Manny Pacquiao, Cynthia Villar, Francis Escudero, Richard Gordon, Ralph Recto, at JV Ejercito.

Saad ng resolusyon: "By majority vote of all the senators, Senator Vicente C. Sotto III is hereby elected as the new Senate President to discharge the duties and powers granted to him by the Rules of the Senate."

Ayon sa sources ng ABS-CBN News sa Senado, pipirma rin sa resolusyon si Senador Grace Poe pagbalik niya mula sa ibang bansa.

Tumanggi si Honasan na sagutin kung may resolusyon nga ba ang majority bloc na humihiling na palitan na si Pimentel.

Pero magsasagawa raw sila ng caucus sa Lunes, Mayo 21, at kasama sa tiyak na mapag-usapan ang liderato sa Senado.

Sinasabing kahit walang resolusyon, matagal nang mayroong "term-sharing agreement" o kasunduang maghahati sa pag-upo bilang Senate president sina Sotto at Pimentel.

Ayon pa rin sa sources sa Senado, hiniling ni Pimentel kay Sotto na maging Senate president pa rin si Pimentel hanggang Oktubre pero tumanggi umano rito si Sotto.

Sa isang panayam noong Mayo 15, sinabi pa ni Pimentel na kung siya ang masusunod, nais pa rin niyang manatili sa liderato.

"Kung ako ang tatanungin mo, kung puwede sanang hindi na [bumaba sa puwesto] di ba? Pero ganito kasi 'yan, we should not be too attached to the position kung may change sa sentiment, we follow," ani Pimentel.

Si Pimentel ang presidente ng PDP-Laban na partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nahalal si Pimentel na Senate president sa pagsisimula ng 17th Congress noong 2016.

Nakatakda ring magpakasal muli si Pimentel ngayong taon sa kasintahang si Kathryn Yu. 

Ayon kay Yu, ikakasal sila ni Pimentel bago ang paghahain ng kandidatura sa pagka-senador sa Oktubre.

Mayo 2012 nang ianunsiyo ni Pimentel ang paghihiwalay nila ng noo'y misis na si Bb. Pilipinas-Universe 1998 Jewel May Lobaton.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.