IED nakita sa highway sa Maguindanao

Arianne Apatan at Noel Elveña, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 09:31 PM

DATU SAUDI AMPATUAN, Maguindanao - Daan-daang motorista ang naabala sa Cotabato-General Santos Highway matapos makakita ng isang improvised explosive device (IED) sa bahagi ng Sitio Panang, Barangay Salbu dito Huwebes ng umaga.

Natagpuan ng mga miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang pampasabog habang nagsasagawa ng foot patrol sa lugar.

Agad na naghinala ang mga CAFGU nang makita ang isang bagay na nakabalot sa may gilid ng kalsada.

Ipinagbigay alam nila ito sa Explosive Ordnance Disposal Team. Nang suriin, nalamang isang IED ang nakita sa kalsada ilang metro lamang ang layo mula sa detachment ng CAFGU.

"Tinabunan ng balat ng niyog, inilagay sa ilalim ng maliit na puno ng bayabas," ani Senior Insp. Abdulbasit Kulod ng Datu Saudi Ampatuan Police.

Gawa sa bala ng 60mm at 40mm mortar ang IED. Pinagsama ang dalawang bala saka binalot ng packing tape. Mayroon ring ikinabit na wire at cellphone na nagsisilbing triggering device.

Natagpuan ang pampasabog tatlong araw matapos ang barangay at Sangguniang Kabataan elections. Pero ayon sa pulisya, wala itong kinalaman sa eleksyon. 

"Ang unang target, kasi malapit sa detachment, maaring sila (CAFGU) ang unang target. Ang second target ang mga security forces sa lugar. Tapos third 'yung mga commuter," ani Kulod.

Sa ngayon mas hinigpitan pa ang seguridad sa bayan kasunod ng insidente.

Tinitiyak naman ng awtoridad ang kaligtasan ng mga dumaraang motorista sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.