ALAMIN: Tips para iwas-online scam

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 08:14 PM

Marami ngayon ang nahuhumaling sa online shopping o pagbili ng mga produkto sa internet.

Dahil dito, pinag-iingat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga online shopper sa posibilidad ng online scam.

Nangyayari ang online scam kapag nakipagtransaksiyon ang isang kostumer sa online seller ngunit wala itong natanggap na produkto o "substandard" ang nakuha nito.

Kadalasan ding gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan ang mga kawatan sa online scam.

"Huwag kaagad tayo naniniwala sa internet, dahil marami po diyan gumagamit ng identity ng iba, marami rin po na gustong makalamang sa kapwa," sabi ni Efren Abantao, NBI cybercrime division agent sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM.

"Sometimes po 'yung iba... ginagamit niyang identity 'yong dati niyang mga biktima," ani Abantao.

Para makaiwas sa online scam, pinayuhan ni Abantao ang mga online shopper na tingnan kung masyadong maganda ang iniaalok sa kanila.

"We have to moderate greed, 'yong iba kasi sumusugal," sabi ni Abantao.

Para naman kay Agent Victor Lorenzo ng NBI Digital Forensic Laboratory, makabubuti na masinsinang suriin ang retrato ng produkto na ibinebenta sa internet.

"Kung may photograph na ipinakita doon sa binebenta niyang item, puwede mong i-Google image search, tingnan mo kung uploaded na siya... grinab lang sa internet 'yon, then in all probability, scam 'yon kasi wala naman talaga 'yong item na 'yon," sabi ni Lorenzo.

Dapat din aniya ay hindi kaagad maniwala sa magandang review tungkol sa ibinebentang produkto.

"Kahit naman kasi positive 'yong review, may possibility pa rin na scam 'yon, baka kasi [ginawa] lang nila 'yong mga account for a positive review," paliwanag ni Lorenzo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.