2 patay nang makuryente sa panunungkit ng santol

Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 03:09 PM

Sa traktor na ito pumatong ang biktimang si Teopilo Teves para manungkit ng santol. Romeo Subaldo, ABS-CBN News

KABANKALAN CITY, Negros Occidental - Patay ang 2 indibidwal nang sila ay makuryente habang ang isa sa kanila ay nanunungkit ng santol sa Granada St., Barangay 3, Miyerkoles ng hapon.

Isa sa mga namatay ay ang drayber ng isang traktor na si Teopilo Teves. Tumulong lamang siya sa mga batang inabutan niyang nanunungkit ng bunga. 

Umakyat si Teves sa kanyang traktor at gumamit ng tubo panungkit. Pero tinamaan nito ang main line ng isang kable kaya siya ay nakuryente at tumilapon sa daan. 

Tiyempo namang nakahawak sa traktor habang kumakain ng santol ang 15 anyos na si Reneil Ambong kaya siya rin ay nakuryente.

Patay na ang dalawa nang makarating sa ospital. Wala naman sinisisi ang kaanak ng mga biktima sa aksidente pero sana raw ay magsilbi itong aral sa lahat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.