'Utang' na ayuda para maibsan ang epekto ng TRAIN, di pa plantsado

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 09:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Apat na buwan matapos maisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), hindi pa rin napaplantsa ng ilang ahensiya ang sana'y ayuda para sa mga mahihirap na pinakaapektado ng sari-saring dagdag-buwis. 

Ito ang lumabas sa pagdinig nitong Miyerkoles ng congressional oversight committee para pag-usapan ang hinaing ng taumbayan ukol sa tax reform.

Simula nang maipatupad ang TRAIN law, mas malaking buwis na ang ipinataw sa petrolyo, sugar-sweetened drinks, sigarilyo, at iba pang produkto.

Isa ang jeepney driver na si Daniel Villegas sa mga lubhang nabawasan ang naiuuwing kita sa pasada dahil sa mahal ng krudo. 

"Dati P600 ang kita ko sa isang araw ngayon P450 na lang," hinaing ni Villegas.

Pero sa ilalim din ng naturang tax reform law, mayroong probisyon para sa "social protection program" na mangangasiwa sa ayuda na pang-agapay sa mga mahihirap na pamilyang masasapul ng taas-presyo.

Sinisingil na ngayon ni House ways and means committee chair Dakila Cua ang Department of Finance (DOF) para sa implementing rules and regulation (IRR) ng naturang mekanismo. 

“Have you started drafting the IRR for this o nakalimutan na? The law mandates us that we do it right away, as soon as possible," ani Cua.
    
Depensa naman ng DOF, may mahigit P4 bilyon na silang nai-release para sa unconditional cash transfer sa unang tatlong buwan ng taon at P8 bilyon naman nitong Abril. 

May ibang benepisyo rin daw na nakakonekta sa pagpasa ng panukalang national ID system na nakabimbin sa Kongreso.

Pero giit ni Cua, dapat madaliin ito dahil nakasalalay sa pagtanggap ng tao sa unang pakete ng TRAIN ang pagpasa ng package 2 nito na target para sa mga korporasyon. 

"We make it happen faster and sooner. As we go to TRAIN 2, hindi natin maiiwasan ang pag-usapan ang epekto ng TRAIN 1. Hindi madaling ipasa ang TRAIN 2 kung may utang pa tayo sa taumbayan," ani Cua.

Ang umano'y matinding epekto ng TRAIN sa mahihirap ang isa sa dahilin kung bakit dumarami ang nananawagan para suspendihin muna ito. 

Pero ayon naman kay Cua, pag-aralan muna kung dapat bang isisi lahat sa TRAIN ang mga taas presyong naitatala. 

--Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.