Panukalang PCGG abolition ng Kamara, walang katumbas sa Senado

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 11:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv


Tila hati ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa usapin ng pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) at paglipat ng mga tuntunin nito sa isang mas pinalakas na Office of the Solicitor General (OSG). 

Ipinasa ng Kamara ang panukala para rito. Pero paglilinaw ng mga senador, wala itong counterpart bill sa Senado kaya malabong maisabatas. 

Umalma ang ibang kongresistang makakaliwa matapos pumasa nitong Martes, Mayo 15, sa huli at ikatlong pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na layuning buwagin ang PCGG.

"Papahinain, papalabnawin, tatanggalan ng ipin ng panukalang batas na ito ang gobyerno sa kaniyang napakabigat na tungkuling bawiin ang ill-gotten wealth, ang nakaw na yaman ng mga Marcos," ani Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

"This bill is an outright historical revisionism. Nagtatago at isang smokescreen lamang ang pagpapalakas ng Office of the Solicitor General," sabi naman ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

Pumasa ang House Bill 7376 o ang panukalang "Office of the Solicitor General Charter" matapos paboran sa botong 162-10. 

Nakasaad sa naturang panukalang batas na ililipat ang mga ginagawa ng PCGG, gayundin ang Office of the Government Corporate Counsel, sa OSG.

Unang ahensiyang itinatag ni noo'y Pangulong Corazon Aquino ang PCGG para habulin ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Mas pinalakas na OSG 

Ikinababahala rin ni martial law victim at dating Commission on Human Rights Chairwoman Etta Rosales na lalo pang magiging makapangyarihan ang OSG na pinamumunuan ngayon ni Jose Calida.

"Supporter ni Marcos 'yan, bakit siya hahabol, bakit niya hahabulin ang nakaw na pera ng kaniyang bayani?" ani Rosales. 

Pumanig si Calida sa mga Marcos sa isyu ng paglibing ng yumaong diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Si Calida rin ang nagsampa ng kontrobersiyal na quo warranto petition na nagpatalsik kay Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado.

Pangamba naman ni dating PCGG Commissioner Ruben Carranza, walang sapat na kakayahan si Calida para gawin ang ginagawa ng PCGG.

"The work of PCGG will require specialized knowledge, full-time investigative capacity, and a deep understanding of history -- all of those Jose Calida does not have," ani Carranza.

Simula nang itatag ang PCGG noong 1986, umabot na sa P170 bilyong nakaw na pera at ari-arian ang narekober nito.

Sinusuri ng specialists ng isang auction house ang nakumpiskang alahas ni dating Unang Ginang Imelda Marcos sa isang appraisal na awtorisado ng PCGG sa headquarters ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Romeo Ranoco, Reuters

Kabilang sa mga narekober ang luxury buildings sa New York, mga alahas, paintings, at cash mula sa mga secret bank account sa ibang bansa.

Pero tinatayang nasa $10 bilyon ang kabuuang nakaw na yaman na hanggang ngayon ay hinahabol pa ng gobyerno.

PAGTUTOL NG ILANG SENADOR

Paglilinaw naman ni Senador Bam Aquino, walang counterpart bill sa Senado ang panukalang batas kaya malabo itong maisabatas.

"This will institutionalize historical revisionism. Pilit na binabago ang kasaysayan sa pagkilos na ito," ani Aquino. "Kung talagang determinado ang gobyerno na labanan ang katiwalian, bakit nais nitong buwagin ang PCGG na siyang naghahabol sa nakaw na yaman ng pamilya Marcos?"

Nagpahayag din ng pagtutol sa panukalang batas si Senador Antonio Trillanes.

Bukas naman si Senate President Koko Pimentel na pag-aralan ang isyu. 

"'Yong PCGG, posible na talaga 'yang isama sa larger office," ani Pimentel.

Para naman kay dating Senador Rene Saguisag na isa sa mga lumaban sa diktadurya, importanteng habulin ng pamahalaan ang mga nakaw na yaman.

"There should be an agency totally focused on recovering the ill-gotten wealth," ani Saguisag.

Si House Speaker Pantaleon Alvarez ang pangunahing may-akda o principal author ng panukalang batas na nais tugunan ang lumalawak na pangangailangan ng government-owned and –controlled corporations (GOCC) at pag-isahin na lang ang mga serbisyong legal ng estado.

Nakasaad din sa panukalang batas na paiigtingin nito ang paghabol ng gobyerno sa mga nakaw na yaman at ari-arian gayundin ang maayos na imbestigasyon at prosekusyon ng mga kaso.

Sa ilalim pa rin ng panukala, magiging independent at autonomous na tanggapan ang OSG na mabibigyan ng pondo sa pamamagitan ng Office of the President.

Kasamang may-akda ni Alvarez sina Majority Leader Rodolfo FariƱas, Deputy Speakers Gwendolyn Garcia at Sharon Garin, Deputy Majority Leader Arthur Defensor Jr., at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang PCGG ukol dito.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.