Deployment ban sa Kuwait, tuluyan nang pinabawi

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 10:09 PM | Updated as of May 16 2018 11:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na alisin na ang ban sa lahat ng Pinoy workers sa Kuwait. 

Nito lang Martes, Mayo 15, unang inalis ang deployment ban sa semi-skilled at skilled workers na patungong Kuwait.

Ngayon naman ay total lifting na ng deployment ban ang iniutos. 

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang utos ng pangulo na alisin na ang total ban ng Pinoy workers sa Kuwait ay kasunod ng rekomendasyon ni special envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.

Sa datos na nakalap ng Philippine Association of Agencies for Kuwait, nasa 20,000 manggagawa ang naapektuhan ng tatlong buwang deployment ban. 

Sa bilang na ito, 60 porsiyento o 12,000 ay mga household service worker (HSW).

Ipinag-utos ni Duterte noong Pebrero ang pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait matapos ang serye ng mga ulat ng pang-aabuso at pagkamatay ng mga overseas Filipino worker (OFW) doon, kabilang si Joanna Demafelis na natagpuang bangkay sa loob ng freezer. 

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay. 

Bukod sa paglagda sa memorandum of understanding (MOU), isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikonsidera ang pag-alis sa deployment ban.

Noon ding Pebrero, nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa unang pagdinig ng kanilang kaso, sinentensiyahan agad ang mag-asawa ng bitay.

Inanunsiyo rin ni Roque noong Sabado, Mayo 12, na bumalik na sa normal ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa matapos magkaroon ng hidwaan dahil sa kontrobersiyal at hindi awtorisadong pagsaklolo ng ilang tauhan ng embahada ng Pilipinas sa mga inabusong OFW.

Ikinagalit ng Kuwait ang pangyayari at itinuring itong paglabag sa kanilang soberaniya, dahilan para mapalayas ang dating ambassador doon na si Renato Villa.

-- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.