DENR, DILG titingnan ang 'pinatag na bundok' sa Boracay

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 11:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ikinagalit at ikinalungkot ng mga residente ang umano ay pagpatag sa isang bahagi ng bundok para bigyang daan daw ang pagpapatayo ng bagong condo resort sa isla ng Boracay, na naka-six-month rehabilitation shutdown simula Abril 26. 

Maaaring naganap ang pagpatag sa bundok bago pa ang Boracay shutdown, ayon sa isang ahensiya. Gayumpaman, nakaumang na ang imbestigasyon, pinahihinto ang pagputol ng mga puno na hindi kasama sa road widening, at bawal ang lahat ng uri ng konstruksiyon sa isla. 

"Hindi talaga maganda, bakit di nila puwedeng i-stop 'yan?" anang isang residenteng tumangging pangalanan.

Inakyat ng News team ang sinasabing lugar.

Nalinis na ang sinasabing dating gubat at nilagyan na ng sementadong daan patungo sa mga resort sa tabing-dagat.

Naabutan pa na nagpapaandar ng makina ang mga trabahador pero naka-standby na lang ang backhoe na bumubungkal sa bundok.

Ayon sa caretaker na tumangging humarap sa camera, isang buwan na silang tumigil sa pagtatrabaho.

Sabi pa niya, patatayuan daw ito ng swimming pool at iba pang amenities. 

'Wala munang ECC at tree cutting'

Pinag-aaralan naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang proyekto kung mayroong mga ginawang paglabag.

Sa pahayag ni DENR Secretary Roy Cimatu, nababahala rin daw siya sa mga lumabas na balitang pinatag ang isang bundok sa Boracay dahil pagbabalewala raw ito sa isinasagawang rehabilitasyon sa isla.

Base sa natanggap niyang report, isinagawa ang pagpapatag sa bundok bago isinara ang Boracay at natigil na raw ito.

Iniutos din ni Cimatu ang moratorium sa pag-iisyu ng DENR permits kabilang ang environmental compliance certificate (ECC) at tree cutting permit maliban sa mga may kaugnayan sa road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Saad ng pahayag ni Cimatu:

"Reports from our field office indicated, however, that said flattening of mountain was conducted prior to the Boracay closure and has since been stopped.
 
"To be clear to all that we mean business in the enforcement of environmental laws, rules and regulations, i have ordered, with the concurrence of the Boracay inter-agency task force, a total stoppage of all constructions of any kind effective immediately."
 
Ipinaliwanag ng environment office sa lugar na wala nang bakas ng anuman kung saan dapat dating nakatayo ang bundok. 

"Wala na kasi akong makita na kung may kahoy ba o mayroon tayong premium species doon, kasi flat na nga po, cleared na po ang area," ani Atty. Richard Fabila, pinuno ng City Environment and Natural Resources Office. 

Bawal ang konstruksiyon 

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), bawal ang anumang bagong konstruksiyon sa isla habang patuloy ang rehabilitasyon.

Nagulat rin daw sila sa mga report tungkol sa pinatag na bundok dahil renovation lang sa mga hotel ang pinayagan nila.

"Ang claim is, sabi ni Costa Vista, parang ina-avoid lang, nagri-riprap lang, riprapping, para di raw magkaroon ng soil erosion," ani DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III.

Sa Biyernes, tutungo ang Task Force Boracay kasama ang DENR, DILG, at iba pang ahensiya para personal na inspeksiyonin ang sinasabing nasirang bundok. 

'Walang sinirang bundok'

Dumepensa si Senador Cynthia Villar sa alegasyong may pinapatag na bundok sa Boracay para sa condo-resort na kasamang dine-develop ng Vista Land na pag-aari ng kanyang pamilya.

Iginiit ng senadora na walang sinisirang bundok para sa proyekto.

"Walang bundok, it's a titled land, I've seen the place, exaggerated lang 'yon. You know, if it's a titled land, what's wrong with it na i-joint venture sa amin?" ani Villar.

Hindi rin daw ito forest land.

Handa si Villar na harapin ang mga alegasyon at makikipag-usap din siya sa DENR para linawin ang isyu.


-- Ulat ni Kevin Manalo at Nony Basco, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.