Lalaki patay matapos tangayin ng baha sa Davao

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 09:15 AM

Tinitingnan ng mga residente ang bangkay ng lalaking inanod umano ng baha nitong Linggo. Larawan mula kay Luvee Sayson

DAVAO CITY - Natagpuang patay nitong Lunes ang isang lalaking inanod umano ng baha sa lungsod na ito. 

Naiulat na nawawala ang biktimang si Richard Deocampo, 44, nitong Linggo ng gabi, sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan dito, ayon sa pulisya. 

Napag-alamang natutulog sa ibabaw ng box culvert si Deocampo na noo'y nakainom ng alak at nahulog sa creek na sinasabing umaapaw dahil sa baha.

Nahanap ng mga residente ang kaniyang bangkay malapit sa isang creek sa Purok 6, Kalambuan sa Barangay Bago Oshiro, nasa 1 kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya tinangay ng baha. 

Positibong kinilala ng kapatid ang biktima, na iniuwi na sa Digos City. 

Nitong Biyernes pa nakakaranas ang lungsod ng malakas na ulan tuwing gabi, na nagdudulot ng baha sa ilang lugar. 

Ang sama ng panahon ay dala ng intertropical convergence zone at localized thunderstorms, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.