Negosyo, sinisilip bilang motibo sa pananambang sa Hapon

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 05:39 PM

Iniimbestigahan na ang anggulong may kinalaman sa negosyo ang pananambang sa isang Japanese sa Ermita, Maynila kagabi.

Tila planado raw ang ang pananambang sa negosyanteng Hapon na si Seiki Mizuno na kararating lang ng bansa nang tambangan ng riding-in-tandem.

Kuwento ng isang testigo, pasado alas-8 ng gabi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem ang van na sinasakyan ni Mizuno at tatlong iba pang Japanese at dalawang Pilipino.

Galing sa isang restaurant sa Maynila at pabalik na ng kanilang hotel sa Pasay ang grupo nang maganap ang pananambang. 

Hindi raw napansin ng driver ng van na may nakabuntot palang riding-in-tandem sa kanila.

Ayon sa Manila police, kasama na tinuturing na persons of interest ang mga kasama sa restaurant, kasama sa sasakyan, at pati na ang mga pumunta sa hotel ng napaslang na Hapon.

Sinisilip ng pulisya kung may kinalaman sa negosyo ang motibo ng pamamaslang dahil nakatakda sanang mag-ikot sa isang pabrika sa Cavite ang biktima.

Posible rin daw na kaso ng mistaken identity ang krimen.

Bumuo ng task force ang Manila Police District para tutukan ang kaso.