Impeachment vs Duterte at Robredo, ayaw ng ilang taga-LP

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 04:42 PM

Bise Presidente Leni Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte. File photo

Kinumpirma ni Bise Presidente Leni Robredo na nagpulong kahapon ang ilang miyembro ng Liberal Party at napag-usapan ang impeachment proceedings laban sa kanya at kay Pangulong Duterte. 

Hindi na idinetalye ni Robredo ang lugar, oras at kung sino-sino ang naroon sa pulong, pero mga kongresista ng LP na kabilang sa super majority ng Kamara raw ang nakaharap niya.

“Hindi ko nasimulan 'yung meeting, pero nu'ng pumunta ko, ang sinabi nila, nag-agree sila na… they will protect me,” sabi ni Robredo. 

Ang proteksyon na binanggit ng Bise Presidente ay tungkol sa impeachment proceedings na isinampa laban sa kanya.

Hindi rin daw susuportahan ng mga dumalo sa pulong ang anumang impeachment complaint laban kay Duterte.

“’Yung mga nag-attend, tinanong ‘yung saloobin at parang majority ng mga na'nduon nagsasabi na hindi sila supportive sa kahit anong impeachment na proceedings, whether kay Presidente o sa akin,” sabi ni Robredo. “Pakiramdam nila, makakaabala lang ‘yun sa napakaraming trabaho ng Kongreso.” 

Dagdag pa ni Robredo, isasapinal ng LP ang desisyon kapag napulong na din ang iba pang miyembro ng kanilang partido sa pulong na ikinakasa bago magbalik-sesyon ang Kongreso sa Mayo 2. 
        
Nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya pabor sa anumang impeachment complaint laban sa kanyang Bise. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News