Cellphone snatchers sa bus, arestado; biktima nanlaban

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 04:16 PM

Arestado ang 2 lalaking nagtangka umanong mangsnatch ng cellphone sa loob ng bus matapos mapansin ng pasahero at may-ari ng cellphone na wala na ang musika na pinakikinggan niya sa headset. 

Ayon sa biktimang si Herald Montejo, kakasakay lang n'ya ng bus sa Muñoz, Quezon City pauwi ng Novaliches nang sumakay ang mga suspek.

Nalaman na lang nitong na-snatch ang kanyang cellphone nang bigla na lamang nawala ang pinakikinggan nitong musika.

''Biglang sumakay dito sa Muñoz. Sumiksik sila. E naka-headset ako. Pagdaan nito, e may tumayo na tao. Bumalik na kaagad. Nawala na cellphone ko. Hinarangan ko [ang] pinto. Alam kong siya na kasi aligaga siya e. Sinuntok ko. Sinakal ko. Hindi na pinakawalan,'' salaysay ng biktima.

May nauna na rin umanong grupo na sumakay bago ang mga suspek na nagdulot ng pagdududa sa driver.

"Marami sila. Kumpol-kumpol. ‘Yung pasahero na bumababa iniipit nila. ‘Yung nanakawan, sabi niya, 'Yung cellphone ko nawawala'. Sabi ko umakyat ka. Sinara ko ang pinto. Sa pulis tayo. Marami ‘yan sila. Anim o pito,’’ ani Alexis Taclob, bus driver.

Dahil may nakaparadang police mobile sa malapit, inihinto ng driver ang bus at hindi binuksan ang pintuan hangga't hindi nakakalapit ang mga pulis.

Ayon kay PO3 Orlando Hipolito, nasa strategic point ang bus kaya naiulat kaagad ang insidente at agad naaksyunan.

Todo tanggi naman ang mga nahuli na sina Ronel Cudia at Joshua Cordero. Gayunpaman, dinala pa rin sila sa istasyon ng pulis. 

Nahaharap sila sa kasong robbery. - Ernie Manio, ABS CBN NEWS