Baclaran service road, maluwag na

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 05:49 PM

Hanggang siyam na lanes ng Baclaran service road ang nagagamit na ngayon matapos ang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority.

Kung dati-rati, halos hindi na madaanan ang kalsada dahil sa dami ng vendors, ngayon ay naging maluwag na ito para sa mga motorista. 

Bukod sa pinaalis ang mga vendor na nakaharang sa kalye at nilimitahan lang sila sa isa hanggang dalawang lane, pinagtatanggal din ang mga ilegal na terminal. Hinatak ang mga ilegal na PUV at ang mga sasakyang ilegal na nakaparada. Pinutol din maging ang sanga ng puno na lumalaylay na sa daan.

Ilang araw nang nagsasagawa ng clearing operation ang MMDA, at ngayong umaga lang ito talagang nasuyod nang husto. Kasama ng MMDA ang isang batalyon ng kanilang mga traffic enforcer, Bureau of Fire Protection, pulis, sundalo, at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Pasay at Parañaque. Plano nilang unti-unting buksan ang service road ng Roxas Boulevard hanggang Kalaw para mapaluwag ang traffic doon.

Puwede raw lumipat ang mga apektadong vendor sa HP Place sa Macapagal Boulevard kung saan itinatayo ang Interim Southwest Terminal. Ayon sa MMDA, mas mura ang magiging renta sa lugar.

Nangako rin ang lokal na pamahalaan na magbabantay para matiyak na hindi na magsisibalikan sa dating puwesto ang mga pinaalis na vendor. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.