4 na sugatan sa aksidente ng bus sa N.Ecija, maselan ang kondisyon

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 09:20 PM

Graphic content / This handout photo taken on April 18, 2017 and released by the Municipal Disaster, Risk Reduction and Management-Carranglan (MDRRM) shows rescuers carrying a rescue stretcher with one of victims after a passenger bus plunged into a ravine in Carranglan town, Nueva Ecija province, north of Manila. MDRRMO / Handout , AFP Photo

BAYOMBONG – Nasa maselang kondisyon ang apat na biktima, kabilang ang dalawang bata, na nasaktan nang mahulog ang isang bus sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija noong Martes, kung saan 34 ang namatay.

Sampu naman sa mga nasaktan ang sasailalim sa operasyon. Ilan sa kanila ay maaring iluwas pa sa Maynila.

Ayon sa doktor na si Napoleon Obaña, hepe ng medical professional staff sa Veterans Regional Hospital, karamihan sa mga sugatan ay stable na umano ang kalagayan. Ilan naman ay masusi pa ring binabantayan dahil sa maselang kondisyon.

“Aabot sa 23 ang nasa trauma ward natin, tapos meron tayong apat na nasa surgical intensive care unit…we are guarding two of them dahil sa mga fractures nila,” ani Obaña.

Kabilang sa nasa intensive care unit ang limang buwang gulang na sanggol, at isang taong gulang na bata.

Ang 10 iba pa ay sasalilalim sa operasyon para maayos ang mga natamong bali sa katawan, tulad ng bali sa paa, kamay at mga ribs.

Dadalhin daw sa Maynila ang ilan, para doon maoperahan.

"Iyong iba, two fractures, iyong iba, three to four fractures…Hihintayin lang namin dumating iyong mga metal at instruments na gagamitin namin sa operasyon…Iyong isa, baka ipadala sa Philippine Orthopedic Center, kasi sa spine ang fracture. Wala tayong hospital na may specialization niyan dito,” ani Obaña.

Sa ngayon, kaya pa umanong punan ng ospital ang mga pangangailangan ng mga pasyente, gaya na lang ng dugo.

Mayroon namang isang pasyente na na-discharge at nakauwi na sa kanilang bahay.

Sa tala ng Nueva Ecija Police Provincial Office, 34 ang namatay , at 43 ang sugatan sa malagim na aksidente.