1,400 aplikante, nais makapasok sa DepEd sa Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2017 09:06 PM

Umabot sa 1,413 ang bilang ng mga aplikasyon sa pagkaguro na nakuha ng Department of Education sa Palawan. Hazel Salas, ABS-CBN News

PALAWAN – Umabot sa 1,413 na mga aplikante ang sumailalim sa screening ng Department of Education (DepEd) Biyernes ng umaga para sa 215 na bakanteng posisyon sa mga eskwelahan sa Palawan.

Ayon sa DepEd, patas ang pagkakataong magkaroon ng trabaho ang mga nagnanais magturo, ngunit maaaring hindi sila lahat mabigyan ng trabaho dahil iilan lang ang bakanteng posisyon.

Ilan sa mga criteria ay ang educational attainment ng aplikante, karanasan sa pagtuturo, specialized training, certification, kakayahan sa pagsagot sa interview, outstanding achievement, kakayahang magpaliwanag sa wikang Ingles, at maayos na pagtuturo na masusukat sa demonstrasyon.

Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga hindi mapipili, ani mga opisyal ng DepEd sa Palawan.

Kailangan daw nilang sikaping kumuha at makapasa sa licensure examination para sa mga guro.

Ito umano ay mga pamantayan para matiyak na sila'y makapagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa mga kabataang Palaweño.