Kap, umamin: Sasakyan ng barangay ginamit sa 'bonding'

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2017 11:16 AM | Updated as of Apr 18 2017 12:01 PM

"Bonding" ng mga miyembro ng Task Force on Youth Development (TFYD) sa isang resort sa Batangas ang naging pakay ng paggamit ng dalawang sasakyan ng Barangay Escopa II, Quezon City nitong Miyerkules Santo.

Ito ang inamin sa DZMM ni Fernando Ortiz, kapitan ng naturang barangay, matapos makunan ng isang Bayan Patroller sa Laiya, Batangas ang sasakyan ng barangay na nagamit umano sa birthday outing ng opisyal.

Paliwanag ni Ortiz, birthday ng kanyang anak nang pagkakataong 'yun at isinabay na lang ang "bonding" ng ilang kasamahan sa Task Force on Youth Development.

"Sabi ko sa anak kong may birthday, sige isama mo na lang, para isang lakad na lang. Tutal may trip ticket na lang e," ani Ortiz.

'Yun lang ang time nila kasi may bakasyon," dagdag pa niya.

Nakisabay na rin aniya pa-Batangas ang isa niyang tiyahing may karamdaman na gustong makabalik sa kanilang probinsiya.

Aminado si Ortiz na mali ang kanyang ginawa dahil nakatanggap na siya ng memo bago pa ang isidente. Nagkataon lang aniyang wala silang makuhang sasakyan nang mga panahong iyon.

"Aminado naman akong mali," aniya. "Sabi nga ng anak ko, 'ano ba 'yan, Pa, ngayon lang tayo gumamit, natiyempuhan pa tayo.'"

Nilinaw naman ng kapitan na hati sila sa gastos ng kanyang anak sa gastos sa gasolina ng dalawang opisyal na sasakyan ng barangay.

Hinatid lang rin umano niya ang mga bata sa lugar at hindi na ito tumengga doon.

Dagdag pa ni Ortiz, unang beses lang niya itong ginawa at hindi na niya uulitin pa.

Ang ginawa ng kapitan ng Barangay Escopa II sa Quezon City ay paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-graft and Corrupt Practices Act.