Vietnamese national binaril malapit sa police station

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 11:25 AM | Updated as of Apr 17 2018 11:31 AM

Patay ang isang 31 anyos na Vietnamese national na negosyante matapos barilin sa ulo habang naglalakad sa may barangay Sto. Cristo, Guagua, Pampanga nitong Lunes ng gabi. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Labis ang hinagpis ng mga kaanak ni Van Son Le sa morgue dahil hindi na umabot pa nang buhay ang biktima nang isugod sa ospital.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, isang bala ng kalibre .45 na baril ang tumama sa kaliwang tainga ni Le.

"Naglalakad [siya] tapos binaril," ani SPO1 Lavern Guevarra ng Guagua Police.

Ang nakapagtataka umano, hindi man lang nagdalawang-isip ang salarin sa pagpatay sa biktima, na nasa ilang metro lang ang layo sa police station.

Dalawang anggulo ang pinag-aaralan ngayon ng pulisya na motibo sa krimen.

"Una is robbery kasi wala 'yung belt bag niya. Ang then 'yung negosyo dahil nagbu-buy and sell siya ng appliances," ani Guevarra. 

Tikom naman ang bibig ng mga kaanak ni Le. 

Hindi pa rin umano sila makapaniwala na nangyari ito sa biktima, lalo na't 3 taon na itong naninirahan sa Guagua.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin sa nasabing pamamaril.

--Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.